Photo courtesy | DSWD MIMAROPA

Maganda ang pagsisimula ng taong 2025 ng dalawandaang mamamayan sa bayan ng Bataraza matapos tumanggap ng tulong pinansyal para sa itatayong negosyo.

Nasa 200 Sustainable Livelihood Program (SLP) beneficiaries ang nabigyan ng livelihood assistance upang simulan ang kanilang dagdag na kita at mas matatag na kabuhayan hatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-MIMAROPA.

Personal na tinanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang pinansyal na tulong na may kabuuang tatlong milyong piso (P3,000,000.00) na kung saan ang bawat pamilya ay nakatanggap ng P15,000.00 na magagamit bilang puhunan para sa kanilang sisimulang mga negosyo.

Kabilang sa mga inaprubahang negosyo ang sari-sari store, pagtitinda ng bigas, pag-aalaga ng hayop, at iba pang maliliit na negosyo na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Pagdating sa kasanayan at kaalaman sa kanilang pagnenegosyo, sumailalim ang mga benepisyaryo sa financial literacy training na isinagawa ng nasabing programa.

Layunin nito na bigyan sila ng sapat na kaalaman sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo at responsableng paghawak ng kita.

Ngayong kapaskuhan at pagsisimula ng bagong taon, nabigyan ng pag-asa ang bawat pamilya na magpatuloy sa kabila ng bawat hamon sa buhay; at magpapatuloy naman ang DSWD sa pagbibigay ng suporta sa mga pamilyang nangangailangan at makatulong sa pag-angat ng kanilang antas ng pamumuhay.

Ang SLP ng DSWD ay isang capability-building program na naglalayong mapabuti ang socio-ekonomikong kalagayan ng mga mahihirap, vulnerable, at marginalized na pamilya at komunidad.

Author