Ni Vivian R. Bautista
APRUBADO na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon sa pagpataw ng mandated price ceiling sa bigas sa buong bansa.
Sa Executive Order No. 39, nakasaad dito ang pagbaba ng kasalukuyang presyo ng bigas at tiyakin na maabot ng mga Pilipinong nasa underpreviliged at marginalized sektor ng lipunan.
Sa kautusan, ang itinakdang presyo para regular milled rice ay Php41.00 kada kilo habang Php45.00 kada kilo naman ang well-milled rice.
“The mandated price ceilings shall remain in full force and effect unless lifted by the President upon the recommendation of the Price Coordinating Council or the DA and the DTI,” ayon sa kautusan.
Batay sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI), iminungkahi ng mga ahensya sa pangulo ang pagpataw ng mandated price on rice bunsod ng pag-aray ng mga mamimili.
Inilahad naman ng Department of Agriculture ang projection nito sa suplay ng bigas para sa ikalawang semestre na kung saan ay aabot umano sa 10.15 milyong metriko tonelada (MMT), 2.53 MMT nito ay nagtatapos sa stock mula sa unang semestre habang 7.20 MMT naman ang inaasahang ani mula sa lokal na produksyon at nasa 0.41 MMT naman ang imported na bigas.
Ayon naman sa ulat ng Presidential Communications Office, ang kabuuang suplay ay magiging sapat upang masakop ang kasalukuyang demand na 7.76 MMT at magbubunga ito ng pangwakas na stock na 2.39 MM na tatagal ng hanggang 64 na araw.
Batay naman sa projection, sinabi ng EO 39 na ang DA at DTI ay “nag-ulat na ang suplay ng bigas ng bansa ay umabot na sa isang matatag na antas at sapat na ito dahil sa pagdating ng mga inangkat na bigas at inaasahang labis para sa lokal na produksyon.”
Inatasan ni Pang. Marcos ang DTI at ang DA na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng ipinag-uutos na price ceiling, subaybayan at imbestigahan ang abnormal na paggalaw ng presyo ng bigas sa merkado, at magbigay ng tulong sa mga apektadong retailer sa tulong ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Inatasan din ng Pangulo ang Bureau of Customs (BOC) na paigtingin ang patuloy na pag-iinspeksyon at pagsalakay sa mga bodega ng bigas upang labanan ang hoarding at iligal na pag-angkat ng bigas sa bansa at mapadali ang pagkumpiska, pag-agaw, o pag-forfeiture ng mga smuggled na bigas ayon sa katiyakan ng batas sa tulong ng DA.
Sa ilalim ng Section 7 ng Batas Republika Blg. 7581, ang Pangulo ay maaaring magpataw ng price ceiling sa anumang pangunahing pangangailangan o pangunahing bilihin bilang pagsunod sa mga kondisyong itinakda ng batas.
Ang RA 7581 o ang Price Act na pinagtibay noong 1992 ay nagpapahintulot sa estado na magbigay ng epektibo at sapat na proteksyon sa mga mamimili laban sa hoarding, profiteering at mga kartel.