PUERTO PRINCESA CITY — Inilunsad ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang malawakang kampanya kontra colorum na naglalayong i-regulate at subaybayan ang mga pampublikong transportasyon sa buong Pilipinas alinsunod sa Memorandum Circular No. 2024-026 kung saan opisyal na itong sinimulan sa bayan ng Roxas , Palawan, simula nitong Marso 25, 2024.
Batay sa kautusan, ipinagbabawal na gumamit ng terminal ng mga pampublikong transportasyon ang mga operators na walang maipakitang Certificate of Public Conveyance o prangkisa.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Roxas, una nang nagsagawa ng pag-inspeksyon ang tanggapan at pamunuan ng Roxas Public Terminal at Roxas Traffic and Enforcement Management Office sa iba’t ibang mga terminal sa lugar upang matiyak na sumusunod ang mga operators sa naturang kautusan batay na rin sa direktiba ni Mayor Dennis M. Sabando.
Sa pamamagitan ng pagsugpo sa mga iligal na operator, ang munisipalidad ay gumagawa ng isang makabuluhang hakbang patungo sa pagtiyak ng kahusayan at pagpapanatili ng sistema ng pampublikong transportasyon nito.
Makatutulong din ang nasabing regulasyon upang mapabuti at maging ligtas ang mga pasahero dahil ang mga lehitimong operator ay kinakailangang sumunod sa mga regulasyon pang- kaligtasan at sumailalim sa mga regular na inspeksyon.
Samantala, nagsagawa rin ng mga kampanya sa pagpapabatid upang ipaalam sa publiko ang pagbabawal sa colorum operations at ang kahalagahan ng paggamit ng mga lehitimong serbisyo sa pampublikong transportasyon, itaas ang kamalayan, at hikayatin ang pagsunod sa mga regulasyon.