BAHAY PAG-ASA FILE PHOTO

PUERTO PRINCESA CITY – Tinalakay nitong Setyembre 10 ang pagbibigay-bisa sa isang kasunduan para sa pagtatag ng Agricultural Camp (AgriCamp) for Child In-Conflict with the Law (CICL) sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ginanap sa National Headquarters ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ang pagpupulong na pinangunahan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. kasama ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC).

Ayon sa Bureau of Corrections, saklaw ng kasunduan ang sampung (10) ektaryang lupain para sa pagpapaunlad ng pasilidad at karagdagang 140 ektarya para naman sa pagsasanayang sakahan na kinakailangan para sa pagtatatag ng AgriCamp na magsisilbing rehabilitasyon ng mga kabataang in-conflict with the law.

Sa pagpupulong, binigyang-diin ni Catapang ang suporta ng kanilang ahensiya sa pagsasakatuparan ng AgriCamp na matatagpuan sa. Inagawan Sub-Colony ng Iwahig Prison and Penal Farm.

Ani Catapang, ang pagtutulungan ng BuCor at ng DSWD para sa layuning makapagbibigay-solusyon ay inaasahang maghahatid ng mas magandang pagkakataon para sa mga CICL. Aniya, ang mga kinatawan ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan o DSWD ay determinado upang magbigay ng magandang kinabukasan sa mga kabataang in-conflict with the law.