PALAWAN, Philippines — PINUNA ni City Councilor Jonjie Rodriguez ang kalsada na binubungkal ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa kahabaan ng barangay San Miguel, lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa Konsehal, bagaman hindi siya isang Engineer, kung titignan aniya ay maayos pa ang kalsada kaya nagtataka siya kung bakit ito sinisira.
“Sa dulo ng runway partikular sa harap ng Mccoys. Two days ago, paglabas ko po kasi ng hospital nakita ko may heavy equipment na nakaparada sa gitna ng kalsada. I was thinking, sabi ko, ano kaya ito bubungkalin na naman ang sementadong kalsada pero sabi ko baka nasiraan lang yung engine.
But yesterday nagulat ako pagdaan ko po talagang totoo binungkal na naman ang sementadong kalsada na sa aking paningin hindi man ako Engineer pero ayos na ayos pa ang sementadong kalsada,” ang pahayag ni Rodriguez sa oras ng pribilehiyo sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod.
Aniya, ang aktibidad sa lugar ay wala rin konsultasyon sa lokal na pamahalaan.
Kung matatandaan taon pa lamang ang nakalilipas nang unang isaayos ang nabanggit na kalsada at ngayon ay muli itong sinisira para isaayos.
“We have a provision for mandatory consultation dapat yung mga programa o proyekto ng national government particularly Department of Public Works and Highways (DPWH) for that matter dapat bago isinasagawa nagkakaroon ng mandatory consultation within the LGU concern,” dagdag pa ni Rodriguez.
Kaugnay nito, hiniling ni Rodriguez sa Secretariat na sumulat sa DPWH para maliwanagan sa proyekto gayundin ang paglalagay ng tarpaulin kung saan nakadetalye ang proyekto para sa kabatiran ng publiko.
“Ang alam ko hindi tayo nakonsulta [roon]. So with that, I would like to request our Secretary to write a letter to the DPWH to atleast inform or appraise the Sangguniang Panlungsod or the City Government kung ano po ba ang project na ginagawa nila kasi dapat malaman din po natin dahil nasa loob po yan ng city kung saan ako po ay nababahala. Not only that, palagay ko dapat they owe an explanation to the public.
Maglagay [rin] sila ng tarpaulin doon indicating itong project cost, sino ang contractor para alam po natin,” paliwanag pa ng Kagawad.
Ayon pa kay Rodriguez sana unahing isaayos ang mga kalsada na tunay na nangangailangan ng rehabilitasyon.
“Kasi para sa akin hindi man ako Engineer maraming kalsada na mas kinakailangan pang gawin kaysa yan po, kasi hanggang ngayon po sariwa pa rin sa ating alaala, ilang taon pa lang ang nakakaraan binungkal na po yan, sinemento na ulit.
Ngayon nagulat tayo, binubungkal na naman, sesementuhin naman ulit parang sayang ang pera ng gobyerno. Wala na bang mapaglagyan ng pera ang gobyerno kundi ganu’n na lang nang ganu’n?. Sementado, ayos ang kalsada, bubungkalin para sementuhin ulit.,” komento pa ng Konsehal.