PUERTO PRINCESA CITY — Kinumpirma ni Port Barton Barangay Captain Boel Baylon na patuloy ang pagdagsa ng mga turistang nagbabakasyon sa kanilang lugar sa kabila na nagsimula na ang lean season o tag-ulan.
Sa panayam ng
Repetek News
sa opisyal nitong nakaraang Hunyo 30, inihayag ni Baylon na hindi humihina ang tourism industry ng barangay bagkus patuloy ang operasyon ng mga establisyemento at pagdagsa ng mga bakasyunista partikular ang mga tourist families na nais magbakasyon at masilayan ang likas na ganda ng lugar.“Actually, hindi talaga humihina. Mas maganda nga ‘yung kitaan ng mga [business owners] kapag [ganitong panahon] kasi ‘yung mga dumadating, e, ‘yung mga [pami-pamilya]… kapag ganito, especially ngayong July, katulad kami marami kaming bisita, iyan ‘yung mga mayayamang turista ‘yung dumarating.
At saka, diyan din nagsisimula ‘yung [pagdagsa ng local tourist]. Hindi naman talaga humihina [kagaya] sa ibang lugar. Buhay pa rin. Kaya hindi kailangan…na maghanap ng sagad na akternatibong pagkakitaan [para sa mga] individual,” ayon sa kapitan.
Ayon pa kay Baylon, mahirap din umano humanap ng mga trabahador katulad ng mga construction workers, skilled workers, at iba pa, dahil nagkakaroon umano ng kakulangan o shortage pagdating sa manpower kaya napipilitan pang mag-import ng mga trabahador para lamang mapunan ang kakulangan ng manpower sa kanilang barangay.
“Napakahirap nga maghanap ng trabahador dito e. Halimbawa ako gusto ko magpagawa, kung kukuha ka sa Port Barton ay wala kang makukuha. Kulang na kulang ‘yung mga [skilled] na trabahador dito sa Port Barton,” ani Baylon.