Ni Ven Marck Botin
“Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at [Inklusibong] Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan” ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa darating na buwan ng Agosto, ngayong taon.
Sa ibinahaging ulat ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF, puspusan ang paghahanda ng kanilang tanggapan para sa paglinang at pagbukas ng kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa Wikang Filipino at mga katutubong wika; at pagtataguyod ng Pambansang Wikang Senyas o Filipino Sign Language.
Batay sa tema ng pagdiriwang, tinalakay rito ang kapayapaan, seguridad, at inklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan na dala-dala ng mga katutubong wika at Wikang Filipino sa modernisasyong panahon.
Tampok dito ang lingguhang tema para sa pagkilala at pagtataguyod ng Filipino Sign Language (FSL) o bilang Pambansang Wikang Senyas ng Pilipinas na gaganapin sa darating na ika-1 hanggang ika-5 ng buwan ng Agosto; Mga Wikang Katutubo: Midyum ng Pagtuturo, Pananaliksik, at Pagkakaisa na ipagdiriwang naman sa darating ika-7 hanggang ika-12 ng kaparehong buwan; Mga Wikang Katutubo: Kasangkapan ng Siyensiya at Teknolohiya tungo sa Maunlad na Bansang Pilipinas, mula ika-14 hanggang ika-19 ng nasabing buwan; Mga Wikang Katutubo: Pambansang Pag-uswag at Pakikipagkapuwa sa Pagpapaunlad ng Katarungang Panlipunan, mula ika-21 hanggang ika-26 ng Agosto; at Wikang Filipino: Wikang Mapagbangon, sa darating na ika-21 hanggang ika-26 sa nabanggit na buwan.
Layunin nito na “ganap na maipatupad ang pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041; maingat ang kamalayan ng mga mámamayáng Pilipino ukol sa wika at kasaysayan nitó; mahikayat ang iba’t ibang ahensiyang pampámahalaán at pampribado na makiisa sa mga programang tulad nitó na nagpapataas ng kamalayang pangwika at sibiko; maganyak ang mga mámamayáng Pilipino na pahalagahan ang mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga gawain kaugnay ng Buwan ng Wikang Pambansa; at maipakilala sa mga mámamayáng Pilipino ang KWF bílang ahensiya ng pámahalaán na nangangalaga sa mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga programang pangwika nitó”.
Itatampok ng komisyon ang iba’t ibang gawaing pangwika “kabilang ang ilang serye ng webinar, tertulyang pangwika mula sa iba’t ibang unibersidad sa buong bansa, mga timpalak, paglulunsad ng mga aklat, at Araw ng Parangal” sa buong buwan ng Agosto 2023.
Dagdag dito, maglalabas din ng mga patalastas sa opisyal na Facebook page ang komisyon hinggil sa iba’t ibang gawaing pangwika na maaaring daluhan at makibahagi sa programa.