Photo Courtesy | PCSDS

PUERTO PRINCESA CITY — Sinimulan sa pamamagitan ng 5 kilometrong fun run ang opisyal na pagdiriwang ng World Wildlife Day 2024 na ginanap nitong Marso 2 sa Balayong People’s Park.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development and Staff (PCSDS), ang mga serye ng nasabing aktibidad ay naging posible sa pamamagitan ng kanilang tanggapan katuwang ang USAID SIBOL.

Ang fun run ay nilahukan ng iba’t ibang indibidwal mula sa Coast Guard District Palawan, City PNP, Provincial PNP, TOW West, MBLT 9, 3rd Marine Brigade, PWRCC, City Government, Provincial Government, Palawan Runners Club at ilang indibidwal na runners.

Matapos nito ay nagkaroon din ng motorcade sa lansangan kasama ang nasa higit apatnapung (40) miyembro ng Palawan Motorcycles Association, Amateur Cyclist Association Palawan, PWRCC, iba pang ahensya ng gobyerno, unipormado, at civil society gaya ng Coast Guard Auxiliary District Palawan.

Ang World Wildlife Day ay itinatag noong ika-20 ng Disyembre 2013 at ipinagdiriwang sa tuwing ika-3 ng Marso. Ito ay nagsisilbing paalala para sa ating lahat na magkaroon ng bahagi sa pagprotekta sa ating wildlife species.

Ang pagdiriwang sa taong ito ay may temang, “Connecting People and Planet: Exploring Digital Innovation in Wildlife Conservation,” ay may kaugnayan sa patuloy umanong nagbabagong digital landscape.