PALAWAN, Philippines — Upang matulungan ang pamilya ng pasyenteng nag-dadialysis, sinabi ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang ukol sa panukalang doblehin ang halaga ng coverage nito para sa hemodialysis.
Sa isang press conference sa Batasang Pambansa Complex nitong araw ng Martes, Mayo 28, tinuran ni PhilHealth Executive Vice President Eli Santos na layunin ng nasabing panukala na alisin ang out-of-pocket na gastos ng mga pasyente na sumasailalim sa hemodialysis.
Ayon sa PhilHealth, mula sa kasalukuyang halagang P2,600 kada session ng hemodialysis ay plano umano ng ahensya na doblehin ito hanggang P5,200.
“Ang PhilHealth po ay pag-aaralan yung pag-increase po nito to P5,200… binigyan po kami ng one month po na pag-aralan po ito,” ani Santos.
Aniya, isa umano sa mga nagpapataas sa gastos ng pasyente ay ang erythropoietin, na ginagamit ng mga taong nasa dialysis na mabibili sa labas ng mga pasilidad ng dialysis.
Ayon sa ulat ng People’s Television (PTv), tinuran ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist lawmaker Erwin Tulfo na ang pagtaas ng halaga ng coverage sa P5,200 ay “magagawa” kasunod ng kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng PhilHealth.
“Base sa meeting namin kanina is double naman. Base [roon] sa funding at pondo, every year naman nagbibigay ng pondo ang Congress sa PhilHealth, so maaring doon ho huhugutin,” saad ni Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na ang kasalukuyang halaga ng hemodialysis na P2,600 kada session ay hindi karaniwang sumasaklaw sa mga vial na iturok sa mga pasyente.
“The good news is hopefully by next month, wala na talagang ica-cash out yung mga nagpapa-dialysis lalo na yung mga three time a week. Kasi ngayon kailangan nilang bumili ng mga vials sa botika. Dadalhin nila doon sa dialysis center para i-injection sa kanila,” dagdag pa niya.
Iniulat din ni Tulfo na ang mga mammogram at ultrasound ay kasama na sa Konsulta Packages ng PhilHealth sa buong bansa mula noong Mayo 15.
Sinabi ni Santos na ang capitation rate para sa Konsulta program ay itinaas sa P1,700 bawat pasyente para sa parehong government at private Konsulta package providers.
Kaugnay nito, sinabi ni Santos na ang mga ari-arian ng PhilHealth ay umaabot sa P589.5 bilyon, kabilang ang P463.7 bilyong halaga ng reserbang pondo.
Samantala, tinitingnan din ng PhilHealth ang pagsasama ng mga pangunahing serbisyo sa ngipin sa mga package nito sa ilalim ng batas ng Universal Health Care (UHC), kasunod ng obserbasyon ni Sen. Raffy Tulfo na ang mga pamamaraan ay limitado sa pagbunot ng ngipin at cleft palate surgeries.
“We are currently exploring it, studying it, looking closely to doing (a) study,” ayon kay PhilHealth President and chief executive officer Emmanuel Ledesma sa isang media forum sa Pasig City.
Dagdag pa niya, mayroon umanong sapat na pondo ang PhilHealth para sa mga naturang serbisyo.
Sa kabilang banda, isinasaalang-alang ng mga senador ang mga pag-amyenda sa UHC Law para masakop nito ang mga pangunahing serbisyo sa ngipin tulad ng checkup at paglilinis dahil 73 milyong Pilipino ang dumaranas ng pagkabulok ng ngipin, batay sa National Health Survey noong 2018.