Photo courtesy | ATCC

Ni Marie Fulgarinas

PUERTO PRINCESA CITY — Isasagawa sa darating na Oktubre 21 at 28, 2023 ang pageant screening ng kauna-unahang Mr. Protects Palawan, isang male based-advocacy pageant, na ang pangunahing layunin ay ipaalam sa publiko ang kahalagahan ng adbokasiyang #KnowYourStatus#GetTested.

Ang first-ever Mr. Protects Palawan ay binuo ng organisasyon ng Amos Tara Community Center, isang non-government organization (NGO) sa lalawigan ng Palawan na kasalukuyang matatagpuan sa Abad Santos Street corner Burgos Street, Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa pamamagitan ng naturang male pageant, masisiguro na maipararating ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang kaalaman hinggil sa nakakahawang Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) na tinuturing na nakamamatay kapag hindi nabigyan ng agarang medikasyon.

Sa panayam ng

Repetek News

kay Amos Tara Community Center Officer Lanscap Anthony Caputilla, layunin ng pageant na bigyang-linaw ang mga maling impormasyon sa mga komunidad hinggil sa mga nakakahawang sakit, tuluyang mabura ang #stigma, at maabot ang iba’t ibang sektor ng lipunan partikular ang young key populations o mga kabataang edad 17 pababa dahil sila umano ang pangunahing apektado o prone sa sakit sapagkat sila ay kasalukuyang dumaraan sa exploration stage, at mga indibidwal na aktibo sa sekswal na gawain.

Sinabi rin ni Caputilla na makatutulong ito na maiparating sa mga manonood na libre ang serbisyong HIV Testing, medical linkage sa sinumang nakitaan ng sintomas ng HIV at AIDS, mga contraceptions laban sa pagkalat ng virus, at iba pang serbisyo na may kinalaman sa kampanya kontra HIV/AIDS.

Maliban dito, inihayag din ni Caputilla na isasagawa sa tanggapan ng Amos Tara Community Center ang nasabing pageant screening sa ganap na ala-una (1:00pm) nang hapon.

Aniya, dalawampung (20) mga kalalakihan ang kukunin para sa kauna-unahang edisyon ng Mr. Protects Palawan. Inaanyayahan din nito ang mga interesadong indibidwal na magrehistro muna sa kanilang online registration.

Kaugnay rito, mababasa sa kanilang Facebook page ang mga requirements at procedure sa pagrehistro. Narito ang kanilang online registration link: https://forms.gle/KbExRKkuqbidKBao9.

Author