PHOTO | RADYO PILIPINAS

Ni Clea Faye G. Cahayag

ALINSABAY sa pagdiriwang ng National Heroes Day, opisyal nang simulan ang filing ng Certificate of Candidacy o COC nitong araw ng Lunes, ika-28 ng Agosto, para sa Barangay and Sangguniang Kabataan (BSKE) 2023.

Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang COC filing period ay mula Agosto 28, 2023 hanggang Setyembre 2, 2023. Ang mga tatakbong kandidato ay maaaring magsumite ng kanilang COC, Lunes hanggang Sabado mula alas otso (8:00) ng umaga hanggang alas singko (5:00) ng hapon sa City o Municipal Office ng Election Officer (OEO) na nakasasakop sa barangay kung saan nais tumakbo at mahalal ang isang aspirante.

Nilinaw naman ng ahensya na nakasaad sa COMELEC Resolution No. 10924 Section 191 maaaring ilipat ang mga lugar para sa paghahain ng COC sa mga kadahilanang may kinalaman sa seguridad ng mga kandidato o empleyado ng COMELEC, maliit na lugar o iba pang wastong batayan.

Ang Barangay at Sanggunian Kabataan Elections ay gaganapin sa ika-30 ng Oktubre nang kaparehong taon.

Sa paghahain ng COC, nagpaalala pa ang ahensya na kung hindi kumpleto ang address ng aspirante na nakasaad sa Certificate of Candidacy, ito ay ituturing na “INCOMPLETE COC” at hindi tatanggapin ng opisina ng election officer.

Samantala, ang Office of the City Election Officer sa lungsod ng Puerto Princesa sa pamumuno ni Atty. Julius Cuevas ay ipinapabatid sa publiko na sa panahon ng pag-file ng COC ay pansamantalang suspendido ang pagproseso at pag-iisyu ng Voter’s Certification alinsunod sa Resolution No. 10905.

Ang pagproseso at pag-iisyu nito ay muling ibabalik sa Setyembre 4, 2023.