PHOTO | MAYOR EMIL NERI, LINAPACAN, PALAWAN

Ni Ven Marck Botin

Nais ipanukala ng mga Municipal Mayors ng Calamian Islands na gawing libre ang paghahatid ng mga pasyente sa ospital ng bayan ng Culion tuwing emergency, ayon kay Linapacan Mayor Emil Neri.

Aniya, sa bayan ng Linapacan, libreng ipinagkakaloob sa mga mamamayan nito ang paghahatid sa mga residenteng maysakit at mga kaanak nito patungong ospital.
“Gaya ng ginagawang libreng serbisyo sa Linapacan, nais na rin ng iba pang mayor ng Calamianes na ilibre ang gasolinang gagamitin sa paghatid ng pasyente sa Culion Sanitarium and General Hospital (CSGH) upang hindi na mahirapan ang pamilya ng maysakit,”pahayag ng alkalde.

Dagdag ni Neri, nagkaisa ang apat (4) na alkalde ng Calamianes na hilingin sa tanggapan ni Palawan 1st District Representative Edgardo “Egay” Salvame na “magkaloob ng fuel subsidy [taun]-taon upang maibsan ang suliranin ng mga nagkakasakit” sa mga bayan Busuanga, Coron, Culion, at Linapacan o BCCL.

Pahayag pa nito, madalas nagiging referral ng mga pasyente mula sa mga bayan ng BCCL ang ospital ng Culion dahil sa advance technologies at specialized services na ipinagkakaloob ng naturang pagamutan.