Screen grab | AFP WESCOM
PUERTO PRINCESA CITY — Kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang iligal na pagharang ng China Coastguard Vessel 5203 (CCGV 5203) sa resupply boat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) habang nagsasagawa ito ng Rotation and Resupply (RORE) mission sa BRP SIERRA MADRE (LS57) na kung saan naiuwi sa banggaan nito sa katubigang sakop ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa ulat ng Western Command Armed Forces of the Philippines, ang insidente ay naganap bandang 0604H kaninang umaga, araw ng Linggo, Oktubre 32, taong kasalukuyan.
Anila, ang iligal na pagharang at pag-maniobra ng sasakyang pandagat ng Tsina ang naging dahilan nang pagbangga nito sa Philippines-contracted indigenous resupply boat na Unaiza May 2 (UM2) humigit-kumulang 13.5 nautical miles (NM) East Northeast ng LS57.
Anila, iresponsable’t iligal na aksyon ng bansang Tsina ay banta umano sa kaligtasan ng mga tripulante na maghahatid ng mga kakailanganing suplay para sa mga sundalong nakatalaga sa BRP SIERRA MADRE (LS57) sa Ayungin Shoal.
Sa parehong misyon ng RORE, ang port side ng Philippine Coast Guard vessel na MRRV 4409 ay nabangga ng Chinese Maritime Militia vessel 00003 (CMMV 00003) habang ito ay nasa sa humigit-kumulang 6.4NM Northeast ng Ayungin Shoal.
Sa kabilang banda, matagumpay naman na naihatid ng Unaiza May 1 (UM1) ang mga suplay sa mga tauhan na nakatalaga sa nasabing barko ng Pilipinas.
Sa ngayon, mariin na kinondena ng bantay-WPS ang pinakahuling mapanganib, iresponsable, at iligal na aksyon ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia na isa umanong malaking paglabag sa soberanya ng Pilipinas, mga karapatan at hurisdiksyon ng bansa.
Matatandaang, una nang nanawagan ang PCG sa China Coast Guard na tigilan ang mga puwersa nito, igalang ang mga karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone at continental shelf, iwasang hadlangan ang Kalayaan sa paglalayag, at magsagawa ng naaangkop na aksyon laban sa mga indibidwal na sangkot sa labag sa batas na insidenteng ito.