Masusing tinalakay ng Sangguniang Bayan ng San Vicente ang panukalang ordinansa na ideklara ang Olive Ridley Sea Turtle bilang opisyal na flagship species ng nasabing bayan, nitong araw ng Miyerkules, Enero 15.
Pinangunahan ni Sangguniang Bayan Melvin Ballesteros, tagapangulo ng Committee on Tourism, kasama ang mga miyembro ng komite at sina Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Tea Joy Borbon at Resource Person Ian Enchanes.
Kaugnay rito, dumalo rin sa pagpupulong ang kinatawan ng Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) upang magbigay ng mga ekspertong pananaw at karagdagang impormasyon.
Layunin ng nasabing ordinansa na palakasin ang adbokasiya ng lokal na pamahalaan para sa pangangalaga ng marine biodiversity ng sa bayan ng San Vicente.
Tinalakay rin sa nasabing pagpupulong ang mga programang magpapalakas sa pangangalaga ng mga yamang dagat sa lugar partikular ang mga marine species tulad ng Olive Ridley Sea Turtle.
Samantala, iminungkahi naman ni SK Federation President Tea Joy Borbon ang pagsasagawa ng mga seminar at pagsasanay para sa kabataan upang maturuan sila ng wastong pangangalaga sa mga yamang dagat na magsisilbing pundasyon ng mas matibay na kamalayan ukol sa kalikasan.