Photo courtesy | KMJS

Nakatakdang itampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho ang Palawan na kilala bilang “The Last Ecological Frontier” ng Pilipinas hindi dahil sa mga tanyag na atraksyon ngunit pinukaw ang atensyon ng mga mamamayan dahil sa unti-unting pagkakalbo ng kabundukan.

Sisiyasatin ngayong araw ng linggo ng national top tv program ang wide-scale mining na itinuturong dahilan ng mga anti-mining na residente sa bayan ng Brooke’s Point sa pagkakakalbo ng kanilang kagubatan na nagdulot ng pagbaha.

Sa ibinahaging impormasyon ng nasabing programa mula kay Kagawad Samuel, residente ng naturang lugar, naiiba ang naranasang pagbaha noon simula nang siya’y ipinanganak at lumaki sa lugar ngunit mapula aniya ang kulay ng naranasang pagbaha sa kanilang bayan kamakailan.

Ang itinuturong sanhi, ang maraming puno sa kanilang lugar na pinutol na naging dahilan ng pagkakakalbo umano ng kanilang kabundukan.

Naniniwala siya na ang mga lupain ng mga magsasaka na nasa tabing daan ng Minahan ang unang apektado na kung saan nababansot ang mga pananim na palay kaya naapektuhan ang kanilang kabuhayan ang pagsasaka.

Pinagmumulan din ng awayan ng mga magkakamag-anak at magkakaibigan ang pagkakaiba-iba ng kanilang mga pananaw patungkol sa pakinabang ng minahan sa kanilang lugar laban sa pinaniniwalaang negatibong epekto na hatid nito sa kanilang kabuhayan.

Nakadugtong na sa pangalan ng Palawan ang tagline na “The Last Ecological Frontier” na nagbigay-daan para sa higit na kantanyagan ng lalawigan sa buong bansa dahil sa mayayabong na kagubatan at maraming buhay-ilang na naninirahan dito. Subalit, paniwala ng nakapanayam na residente na tila mababalewala ito dahil sa pagkakalbo ng kanilang kagubatan.

Author