PHOTO || PROVINCIAL INFORMATION OFFICE OF PALAWAN

Ni Vivian R. Bautista

“Resolution Respectfully Requesting the Department of Foreign Affairs (DFA), through Secretary Enrique Manalo to Establish Apostille Services in DFA Puerto Princesa Consular Office, Province of Palawan”, nilalaman ng resolusyon bilang 1304-23 na iniakda ni Board Member Ryan Maminta sa ginanap na regular na sesyon nitong ika-25 ng Hulyo 2023.

Hiniling ni Maminta sa ahensya na magkaroon ng ‘Apostille Services’ o authentication ng iba’t ibang Philippine public documents dito sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ay agarang inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan na naniniwalang malaki ang maitutulong nito sa mga mamamayan ng Palawan.

Aniya, ang naturang kahilingan ay batay sa pakikipag-ugnayan nito sa tanggapan ng DFA-PPC CO na naaayon sa pangangailangan ng mga Palaweño.

“Ang kahilingan ay base na rin sa ating pakikipag-ugnayan sa ating DFA- PPC Consular Office, sa kanilang pinuno na si Ma’am Carolina Constantino na pangunahing [naka-base] sa pangangailangan ng mga kababayan nating Palaweños at kasalukuyang estado ng ating lalawigan na isa sa mga pangunahing destinasyon ng turismo sa buong mundo kasama na ang potensiyal natin bilang investment area,” pahayag ni Maminta.

Ang apostille ay dokumento na kinakailangan bilang proof of authentication ng iba’t ibang pampublikong dokumento na kinabibilangan ng court documents, administrative documents gaya ng birth, marriage at death certificates, police records, at grant of patents gayundin ang notarial acts at official certificates ng mga Pilipino na maaari nilang magamit abroad at maging dito sa bansa.

Ito rin ay isang sertipiko na nagpapatunay ukol sa pinagmulan ng isang pampublikong dokumento.

“Mahalaga na magkaroon tayo ng Apostille Services sa DFA – Puerto Princesa Consular Office upang makatulong sa ating mga kababayan na nangangailangan ng authentication ng kanilang mga dokumento na maaaring magamit sa abroad or domestic requirements,” ani Maminta.

“Sa ating resolusyon ay ipinakikiusap din natin sa ating mga kinatawan sa Kongreso na tulungan tayo sa pamamagitan ng kanilang ‘favorable endorsement’ kay Secretary Enrique Manalo na may kinalaman dito,”dagdag nito.