Photo courtesy | PIO Palawan
Ni Marie Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY β Mariing isinulong ni Board Member Roseller S. Pineda ang pagkakaroon ng Provincial Tourism Information and Assistance Center ang lalawigan ng Palawan nitong Enero 9 sa ginanap na regular na session ng Sangguniang Panlalawigan, batay sa ulat ng Provincial Information Office.
Hinihikayat ni Pineda si Gobernador Victorino Dennis M. Socrates sa pamamagitan ni Provincial Engineering Office (PEO) Officer-in-Charge Engr. Aireen C. Laguisma na magkaroon ng nasabing tanggapan.
Sa bisa ng Resolution No. 021-24, “A Resolution Requesting the Governor Victorino ‘Dennis’ Socrates Through Engr. Aireen Laguisma of the Provincial Engineering Office (PEO) for the Construction of Provincial Tourism Information and Assistance Center”, na pinaniniwalaan ng bokal na “mahalaga ang papel na ginagampanan ng turismo sa lalawigan.
Ani Pineda, ang turismo ang nagsisilbing backbone ng ekonomiya ng lalawigan.
Aniya, nakatutulong ang turismo sa socio-economic growth, investment, at pagbibigay ng maraming job opportunies sa mga PalaweΓ±ong job seekers.
“Alam natin na very crucial ang ginagampanan ng turismo sa Palawan when it comes to socio-economic growth, investment and employment. Nagiging backbone siya ng ating ekonomiya but wala man lang tayong maipakita na kahit isang building na pwedeng puntahan,” pahayag ni Pineda.
Saad pa ng bokal, malaki umano ang maitutulong nito upang mas maipakilala pa sa mga turista ang iba’t ibang tourist destinations at activities sa lalawigan.
Dagdag dito, mahalaga rin umano ang makakalap ng karagdagang data na susukat sa economic and social impact ng turismo sa Palawan na maaaring magamit para sa sustenableng pagpaplano at epektibong pamamahala ng turismo sa lalawigan.
Pagbibigay-diin ni Pineda, nararapat lamang na magkaroon ng naturang pasilidad alinsunod sa Batas Republika Bilang 9593 o mas kilalang “Tourism Act of 2009”.
“Para [ma-realize] natin ‘yong binabanggit sa Tourism Act of 2009 of the Philippines, it is a must na magkaroon tayo ng building for Provincial Tourism Information and Assistance Center within the Provincial Government,” pahayag ni Pineda.
Samantala, aprobado na sa una at huling pagbasa ng kapulungan ang nabanggit na kahilingan.