PHOTO | THE STRAIT TIMES

Ni Vivian R. Bautista

SUPORTADO ng Pamahalaan ng Pilipinas ang hakbang ng bansang Japan na ilabas ang treated radioactive water mula sa Fukushima nuclear power plant sa karagatan ng pasipiko, simula ngayong araw, ika-24 ng Agosto.

Ito ay kasunod sa ulat ng International Atomic Energy Agency (IAEA) na nagsasabing ang plano ng paglagak ng Fukushima Water sa Pacific Ocean ay naaayon sa internasyunal na pamantayan sa kaligtasan, ayon sa ng Philippine News Agency (PNA).

“The Philippines continues to look at this issue from a science- and fact-based perspective and its impact on the waters in the region. As a coastal and archipelagic State, the Philippines attaches utmost priority to the protection and preservation of the marine environment,” ani DFA spokesperson Ma. Teresita Daza.

Ayon pa sa ulat, dumating ang desisyon ilang linggo matapos maaprubahan ng nuclear watchdog ng United Nations ang nasabing plano ng Japan.
Ang Fukushima water ay ilalabas sa pasipiko pagkatapos salain at linisin.

Samantala, sinabi rin ng gobyerno ng Japan na ang pagpapakawala ng tubig ay isang kinakailangang hakbang sa mahaba at magastos na proseso ng pag-decommission ng planta, na matatagpuan sa silangang baybayin ng bansa, mga 220km (137 milya) hilaga-silangan ng kabisera ng Tokyo.

Mahigit isang dekada nang kinokolekta at iniimbak ng Japan ang kontaminadong tubig sa mga tangke, ngunit nauubusan na umano ito ng espasyo.

Matatandaang noong taong 2011, binaha ng tsunami na dulot ng magnitude 9.0 na lindol ang tatlong reactor ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant. Ang kaganapan ay itinuturing na pinakamalawak na sakuna sa mundo mula noong trahedyang Chernobyl.