Photo courtesy: BFP Puerto Princesa

Muling nagpaalala sa publiko ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa na mariing maglagay ng fire extinguisher sa loob ng sasakyan ang mga nagmamay-ari o drayber nito upang maiwasan ang anumang insidente ng sunog.


Nitong Lunes ng gabi, Enero 20, tinupok ng apoy ang isang Wigo vehicle sa kahabaan ng north national highway sa Brgy. Tagburos, nabanggit na lungsod, nang magkaroon ng aberya ang ignition nito habang bumibiyahe sa nasabing kahabaan.


Agaran namang itinabi ng drayber ang sasakyan subalit nagkaroon umano ito ng fuel leak na dahilan para lumiyab nang tangkaing paandarin ng drayber ang nasabing sasakyan.


Dahil dito, mahigpit na ipinababatid ng pamunuan na kinakailangang maglagay ng fire extinguisher ang mga drayber o may-ari ng 4-wheeled vehicles—pribado man o pampasaherong sasakyan—upang maging handa sa anumang insidente ng sunog.


Ayon kay SFO1 Eugene Paul Manuel, tagapagsalita ng ahensiya, maaring dumalo ang mga drayber at may-ari ng sasakyan sa kanilang isinasagawang seminar sa tanggapan ng BFP upang magkaroon ng wastong kaalaman sa pagresponde sa mga insidente ng sunog.


Paalala pa nito, kung sakaling makaranas ng kaparehong sitwasyon, agad na apulahin ang sunog gamit ang fire extinguisher at kung hindi ito maapula agad, humingi ng tulong mula sa mga awtoridad.

Author