Pansamantalang ipinagbabawal ng Coast Guard Station Kalayaan Island Group ang paglalayag ng lahat ng vessels na mayroong 35 Gross Register Tonnage (GRT) pababa sa loob ng munisipalidad ng Kalayaan Island, Palawan, epektibo mula alas-5:00 ng umaga ng Enero 26, 2025, hanggang sa susunod na abiso.
Ayon sa Sea Travel Advisory na nilagdaan ni ENS Jose Robert Mathew R. Cabral, PCG, Acting Station Commander, CGS KIG, walang motorboats na may 35 GRT pababa ang papayagang maglayag kung sa palagay ng Commander ng Station/Sub-Station ay umabot na sa Beaufort scale Nr 5 (17-21 knots/6ft.waves) ang kondisyon ng panahon sa kanilang lugar.
Ito ay batay na rin sa ulat ng PAGASA Visayas PRSD na nililabas nitong ika-26 ng Enero, nakakaapekto ang Northeast Monsoon sa Luzon habang nakakaapekto naman ang Easterlies sa ibang bahagi ng bansa.
Magkakaroon ang Southern Leyte ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat dahil sa Easterlies.
Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat dahil sa Easterlies/ Northeast Monsoon ang natitirang bahagi ng Visayas at Palawan kasama na ang Kalayaan Islands, at Occidental Mindoro.
Makakaranas ang buong Visayas, Palawan, at Occidental Mindoro ng mahina hanggang katamtamang hangin mula sa hilagang-silangan na may bahagya hanggang katamtamang pag-alon sa dagat.