Photo courtesy | Atty. Jules Millamar FB page
“For the first time in years, I let it all out: the grief of losing them, the rage and the anger at how unfair life had been, and the exhaustion of enduring so much just to survive. After years of darkness, of pretending, of barely holding on, the stars had finally aligned. Not just for me, but for us. For my siblings. Finally, the tides are turning. Finally, we are winning”- Atty. Jules Collantes Millanar.
Nag-iwan ng tatak ng katapangan, determinasyon, at pag-asa ang pangalan ng bagong abogado na si Jules Collantes Millanar sa puso ng mga netizens matapos dumaan sa matitinding pagsubok ng menor de edad pa lamang.
Isa si Jules sa 3,962 na pumasa sa bar examinations ngayong taon mula sa 10,490 examinees. Ipinakita niya sa mga estudyanteng nagsusumikap para sa kanilang pangarap maging sa lahat ng taong dumaraan sa matitinding pagsubok sa buhay na ang tibay ng loob, determinasyon, at suporta mula sa mga mahal sa buhay ay makapagdadala ng tagumpay.
Sa kaniyang official facebook post, ikinuwento niya na sa edad 15 ay naharap siya sa isa sa pinakamahirap na pagsubok ng kaniyang buhay—ang pagkamatay ng kaniyang ina dahil sa kanser. Isang taon lamang ang lumipas, nasundan ito ng biglaang pagkamatay ng kaniyang ama dahil sa atake sa puso habang hawak nito ang rosaryo.
Bilang isang menor de edad, kasama ang kaniyang dalawang kapatid na 17-taong gulang at 12-taong gulang ang naiwan upang harapin ang mundo ng walang magulang na gagabay sa kanila.
Sa kabila ng mga pagsubok at kawalan ng tulong mula sa karamihan, ipinagpatuloy ni Jules ang kaniyang pag-aaral at pinaghusayan upang matiyak na matutupad ang pangarap ng kaniyang pamilya. Sa mga panahong halos sumuko na siya ay inaalaala na lamang niya ang kanyang mga yumaong magulang na nagbigay sa kanya ng tibay ng loob.
Nagbunga ang lahat ng kaniyang pagsusumikap at sakripisyo matapos lumabas ang resulta ng bar exam, kamakailan. Naramdaman niya na ang lahat ng kanyang naranasang pagdurusa at paghihirap ay nagkaroon ng kabuluhan sa sandalling iyon.
Ang kanilang kuwento ay hindi lamang tungkol sa trahedya kundi tungkol sa pagtatagumpay sa kabila ng lahat ng pagsubok.
“…I hope you find strength to fight back, rise above, and keep moving forward even when it feels impossible,” mensahe niya.
Sa kasalukuyan, trending ang kuwento ng kaniyang tagumpay na may 29.8 libong reactions at 8.1 shares online.