LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Isang pagong o Cuora couco ang itinurn-over ng isang guro sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) nitong nakalipas na Sabado, Pebrero 17, 2024.
Ayon sa ahensya, ang nasabing buhay-ilang ay natagpuan ni Ms. Ethel Gadiano, isang guro sa elementarya, sa loob ng kanyang silid-aralan nitong Biyernes kaya’t agad niya itong dinala sa tanggapan ng PCSDS sa kadahilanang alam niya ang importansya nito at protektado ito sa ilalim ng Republic Act (RA) 9147 or the Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.
Ang naturang buhay-ilang ay isang adult male na may sukat na 21 cm (carapace length), 18.5 cm (carapace width). Ito ay kabilang sa “Endangered Species” sa ilalim ng PCSD Resolution 23-967.
Samantala, patuloy naman ang panawagan ng PCSD sa mga mamamayan na sakaling makahuli o makakita nito na agad itong ipagbigay alam sa nasabing tanggapan para sa tamang pangangalaga ng mga buhay-ilang.