PUERTO PRINCESA CITY — Upang maisulong ang aktibong pakikilahok ng mga kabataan sa larangan ng pagpapaunlad ng komunidad, isang pagsasanay ang pinondohan ng United States Agency for International Development (USAID), na pinangunahan ng United States Peace Corps at Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA) na ginanap sa Subic, Zambales, nitong Agosto 19 hanggang ika-21 ng buwan, taong kasalukuyan.
Ayon sa Emabahada ng Estados Unidos, ang “Youth Volunteerism Workshop” ay dinaluhan ng nasa mahigit isandaang partisipante mula sa Peace Corps Volunteers at kanilang mga Filipino counterparts.
Sinanay ang nasa 41 Peace Corps Volunteers, 82 Filipino volunteers, at youth leaders sa iba’t ibang diskarte sa pagboboluntaryo, kabilang ang mga recruiting techniques, pagbuo at pamamahala ng mga koneksyon, pagbuo ng volunteerism frameworks, paggawa ng action plans, at pagbabahagi ng pinakamahuhusay na kagawian sa networking at pakikipagtulungan gamit ang modelong “train the trainers. “
“I am excited to see how this year’s participants will replicate and scale up the success of their facilitators, reaching more youth, especially those who are currently out of school or at risk of dropping out,” ani USAID Philippines Deputy Education Director Yvette Malcioln sa kanyang pambungad na pananalita.
Pagkatapos ng pagsasanay, pinangunahan naman ng mga kalahok ang peer education sa kanilang sariling mga komunidad, na tumutuon sa mga pangunahing tema gaya ng kalusugan ng isip ng kabataan, pag-iwas sa HIV/AIDS, at sexual reproductive health para sa kabataan.
Kasama rin sa mga tinalakay ang iba pang paksa patungkol sa mga kasanayan sa buhay, kapaligiran at pagbabago ng klima, mga tutorial sa akademiko, at karagdagang mga paksa batay sa mga pangangailangan ng kanilang komunidad.
“I encourage participants to continue to carry the torch of volunteerism high, nurturing the flame of compassion and dedication as they return to their communities,” ayon kay PNVSCA Executive Director Donald James Gawe.
Ang inisyatiba na ito ay bahagi ng mas malawak na Host Country Volunteerism program ng Peace Corps Philippines, na suportado ng PNVSCA, na naglalayong palakasin at i-institutionalize ang volunteerism sa bansa.
Sa ngayon, mahigit 300 indibidwal na ang sinanay sa pamamagitan ng Youth Volunteerism Project.