PHOTO | AFP / WESTERN COMMAND

Ni Vivian R. Bautista

PINANGUNAHAN ng Australian Institute of Marine Sciences o AIMS ang pagsasanay sa paggamit ng makabagong teknolohiya gaya ng ReefCloud at ReefScan Transom alinsunod sa programang ‘coral monitoring’ na layon ay protektahan at pangalagaan ang mga korales sa West Philippine Sea o WPS.

Isinagawa ang pagsasanay mula nitong ika-29 ng Agosto hanggang ika-7 ng Setyembre 2023 sa lungsod ng Puerto Princesa na bahagi ng proyekto ng Marine Resource Initiative (MRI) na ipinatutupad naman ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSDS) at AIMS na pinondohan ng Department of Foreign Affairs and Trade o DFAT ng bansang Australia.

Layunin ng proyektong na mapaunlad ang ‘coral monitoring’ sa rehiyon sa pamamagitan ng ‘capacity-building’ at paggamit ng teknolohiya ng AIMS.

Bilang mahalagang pagpapakilala sa kaalaman at kasanayang kailangan para sa pagpapatupad at pagpapatakbo ng marine-monitoring technologies, ang pagsasanay ay nilahukan ng mga kinatawan mula sa PCSDS, DENR-PENRO, DENR-CENRO-Taytay, Snake Island-National Center on Marine at Coastal Research (SI-NCMCR), Protected Area Management Office-El-Nido-Taytay Resource Managed Protected Area, Provincial Government-ENRO, City Agriculture Office, Western Philippines University, World Wildlife Fund Palawan, at LGU-Kalayaan na lahat ay nagsilbing operator ng mga teknolohiyang na ginagamit bilang mga eksperto sa pagsubaybay sa local reef.

Ang marine environment ay isang mahalagang mapagkukunan ng buhay sa mundo. Ang marine ecosystem ay gumaganap ng maraming pangunahing tungkulin sa kapaligiran: regulasyon ng klima; pag-iwas sa pagguho; akumulasyon at pamamahagi ng solar energy; pagsipsip ng carbon dioxide; at pagpapanatili ng biological control kaya’t dapat lamang itong pangalagaan at pagyamanin para sa susunod pang henerasyon.