Repetek News
TeamNAPAKAHALAGA ng pagsasaka dahil dito nagmumula ang mga pagkain na suplay ng mga Pilipino.
Kung ang mga lupang sakahan ay mababawasan ay magkakaroon din ito ng epekto ng pagbawas sa produksiyon ng mga pananim tulad ng palay, gulay, at bungang kahoy, maliban pa sa mga kagamitan na direktang nagmumula sa mga puno.
Sa kasalukuyan ay hindi maikakaila na kulang na kulang ang produksiyon ng iba’t ibang pagkain na nagmumula sa agrikultura dahil marami ang pinupunan pa rin sa pamamagitan ng pamimili mula sa ibang bansa.
Isa sa mga dahilan ng kakulangan ng mga produksiyon ay ang kawalan naman ng lupang masasaka ng mga tunay na nagtatanim ng pagkain.
Sa Palawan ay makikita pa rin ang malawak na lupain na walang tanim, hindi marahil dahil sa tamad umano ang mga tao, kundi dahil sa ang malalawak na lupain ay pagmamay-ari pa rin ng malalaking pamilya na hindi naman pagsasaka o pagtatanim ang pangunahing hanapbuhay.
Kung makikita man ang kaunlaran sa malalaking gusali o opisina at maraming bahay; ito ay makikita rin sa malalawak na lupaing sakahan at hilera ng mga punong namumunga at mga gulay na pangunahing kailangan ng mga tao.