PUERTO PRINCESA — Nasa pitumpung (70) mga partisipante na pawang mga doktor, nurse, at healthcare workers, na nagmula sa Department of Education (DepEd) Palawan, Municipal Health Offices, at iba pang sangay pangkalusugan ang dumalo sa apat na araw na pagsasanay ukol sa Mental Health Gap Action Program o MHGAP na ginanap sa lungsod ng Puerto Princesa nitong Oktubre 8 hanggang ika-11 ng buwan.
Layunin ng pagsasanay na makapagbigay ng karagdagang kaalaman sa mga health workers sa larangan ng pagtukoy, pangangasiwa, at pagbibigay ng tamang interbensyon para sa mga mental, neurological, at substance use (MNS) concerns bilang bahagi sa patuloy na pagpapalawak sa access sa Mental health services lalo na sa mga lugar na may limitadong mapagkukunan at serbisyo.
Kaugnay rito, tinalakay rin sa aktibidad ang patungkol sa Introduction to mhGAP, Essential Care and Practice, Depression, Self-harm, Psychoses, Epilepsy, Dementia, Other significant mental health concern, Child and Adolescent Mental and Behavioral Disorders, Psychotropic Medications gayundin ang pagkakaroon ng open discussion at return demonstration.
Ang pagkakaroon ng mabuting kalusugang pangkaisipan ay makatutulong sa isang indibidwal upang magkaroon ng positibo at makabuluhang pakikipag-kapwa tao. Ito ay nauugnay sa kung paano nakikipag-usap, pagiging matatag, at nagpapanatili ng malusog na kaisipan sa pang-araw araw na pamumuhay.