PALAWAN, Philippines — Nagsagawa ng dalawang (2) araw na pagsasanay patungkol sa pag-aalaga ng baboy ang mga opisyal at miyembro ng kooperatiba at mga lokal na hog raisers ng bayan ng Quezon, Palawan, nitong nakalipas na Hulyo 8 hanggang ika-9 ng buwan, taong kasalukuyan.
Ang pagsasanay ay pinangasiwaan nina ARPO II Sonia Alcantara at ARPO I Rovie Nalica, sa pakikipagtulungan ng DAR Municipal Office of Quezon sa pamumuno ni OIC-MARPO Lynn Pacaña at mga kawani, kasama ang resource speaker na si Agricultural Technologist Leofredo Valenzuela mula sa Department of Agriculture.
Ang dalawang araw na Technology Training on Hog Raising ay ginanap sa ilalim ng programang Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) na naglalayong pahusayin ang produktibidad at kita, tiyakin ang seguridad sa pagkain at nutrisyon para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at mga maliliit na magsasaka.
Sa kaganapan, ang mga kalahok ay sinanay patungkol sa mga makabagong teknolohiya na magagamit sa industriya ng hog raising na para sa dekalidad produksiyon ng mga karneng baboy.
Ayon sa Department of Agrarian Reform – Palawan, ang Panitian Credit Cooperative (PCC)
ay nagpapalawak ng kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pag-aalaga ng baboy na naglalayong mag-market ng mga dekalidad na produktong karne sa lokal na komunidad.
Maliban dito, ang naturang kooperatiba rin ang napiling PAHP program recipient para sa 2024-2025.
Inanunsiyo ng DAR-MIMAROPA na ang mga tradisyunal na pamamaraan ay nagresulta sa mababang kalidad ng mga produktong karne sa bayan ng Quezon sa kabila ng pagkakaroon ng mga hog raisers sa lugar.