Inikot ng mga kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang mga stalls ng pamilihang bayan ng Narra upang ipaalala sa mga manininda ang ordinansang anti-single-use plastics sa nasabing bayan bilang pagsusulong ng ‘zero waste month’ na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Enero.
Ibinahagi sa mga tindera at mamimili ang kahalagahan ng pagre-recycle at hinihikayat ang mga ito na gumamit ng mga ‘recycled’ bags upang mabawasan ang paggamit ng mga plastic sa pamilihan.
“Hinihikayat po ang lahat ng mamimili na magdala ng sariling lalagyan para sa maigting na pagpapatupad ng Article XI ng Municipal Ordinance 2017-785 o ang Prohibition and Regulations on the use of single use plastics,” pahayag ng tanggapan.
Nagpapasalamat naman ang mga kawani ng tanggapan sa mga may-ari ng puwesto sa palengke na naglalagay ng kani-kanilang mga basurahan sa kanilang market stall.
Kaugnay rito, ang single-use plastic ay kabilang sa mga pangunahing nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran na may higit 300 milyong toneladang produksyon taun-taon. Ang pagkakaroon ng napakaraming plastik sa lupa at karagatan ay matinding nakakaapekto sa buhay, kalusugan, at marine life.