PUERTO PRINCESA — Sa nakaraang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong nakalipas na Martes, Oktubre 22, inihayag ni 1st District Board Member Nieves Rosento na nais niyang maghain ng resolusyon na magbibigay ng permanenteng posisyon sa mga Cooperatives Development Officer sa mga bayan sa lalawigan ng Palawan.
Aniya, mayroon pang mga munisipyo sa lalawigan ang hindi pa nabibigyan ng permanenteng posisyon ang mga opisyales ng kooperatiba alinsunod sa mandato ng Batas Republika 11535 o “An Act making the position of Cooperatives Development Officer Mandatory in the Municipal, City and Provincial Levels, Amending for the Purpose [of] Republic Act 7160, Otherwise known as ‘The Local Government Code of 1991’, as amended”.
“Urging Local Government Unit in the Province of Palawan to create a permanent position of Cooperative Development Officer as mandated by Republic Act 11535…” ani Rosento.
Sinabi rin ng bokal na kaniyang hinihikayat ang pamahalaang panlalawigan sa darating na 2025 Annual budget partikular sa gagawing pamamahagi ng pondo ay nararapat na mabigyang-pansin ang pagtatalaga ng Cooperatives Development Officer sa dalawampu’t tatlong (23) pamahalaang lokal sa buong lalawigan ng Palawan.
Kaugnay rito, nais din ni Rosento na bigyang-pagkilala si Gina Socrates, Palawan Cooperative Development Officer, na tumanggap ng plaque at recognition mula sa Cooperative Development Authority (CDA) bilang 2024 Regional Winner Outstanding Cooperative Development Officer sa buong Rehiyon ng MIMAROPA.
Dahil dito, nagpaabot ng pasasalamat si Rosento sa mga mahahalagang kontribusyong naiambag ng mga kooperatiba sa pag-unlad ng ekonomiya ng Palawan.