PHOTO || DSWD FIELD OFFICEMIMAROPA

Ni Ven Marck Botin

MATAGUMPAY ang isinagawang graduation ceremony ng mga exiting beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps mula sa mga bayan ng Busuanga, Magsaysay, at Cuyo sa lalawigan ng Palawan nitong ika-19 ng Hulyo 2023.
Ang seremonyas ay naging daan sa pagkilala ng mga pagsisikap at dedikasyon ng mga benepisyaryo upang maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

Sa ibinahaging ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA Region 4B, limampu’t isang (51) pamilya mula sa bayan ng Cuyo habang labinlimang (15) pamilya naman mula sa bayan ng Magsaysay, Palawan ang nagtapos sa naturang programa. Ito ay ginanap sa Gymnasium Building ng Bgy. Tenga-Tenga, sa bayan ng Cuyo.

Samantala, siyamnapu’t walong (98) pamilya naman ang nagtapos mula sa Busuanga na ginanap naman sa LGU Gymnasium ng nabanggit na bayan.
Nagpahayag naman ng suporta si Busuanga Mayor Elizabeth Cervantes sa mga nagtapos na pamilyang benepisyaryo mula sa kanilang bayan.

Saad ng ahensya, ang bawat pamilyang nagtapos ay tumanggap ng sertipiko ng pagpapatunay at token mula sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.

Batay sa batas ng 4Ps, “ang isang sambahayan ay kailangan nang [um-exit] o umalis sa programa kung: (a) wala nang batang edad 0-18 na maaaring i-monitor o irehistro sa programa at; (b) nasa level 3 na ang buhay o maayos na kaya’t hindi na kailangan pa ng pagsuporta mula sa programa,” ani ng ahensya.

“Ang pag-endorso sa LGU ng mga paalis na benepisyaryo ay bahagi ng implementasyon ng Kilos-Unlad Framework o gabay upang mapabuti ang pamumuhay ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa loob ng 7 taon. Ang nasabing LGU na ang magpapatuloy ng pagsuporta sa sambahayan upang masiguro na hindi na sila [muling mahirapan],” dagdag ng ahensya.