REPETEK PHOTO

Ni Clea Faye G. Cahayag

NANINDIGAN si Palawan 3rd District Representative Edward S. Hagedorn na siya ay ‘inosente’ matapos ang naging hatol ng Sandiganbayan kaugnay sa isinampa sa kanyang kasong Malversation of public property.

Sa press conference noong araw ng Sabado, tinuran nito na magsusumite ito ng motion for reconsideration at mag-aapela sa Supreme Court kung kinakailangan.

“Nalulungkot tayo sa desisyon pero hindi ito nangangahulugan na mawawalan tayo ng tiwala sa justice system. Gagamitin natin lahat ng avenues para nasa tamang proseso. Ang una nating gagawin ay mag-file tayo ng motion for reconsideration at [kung] ma-turn down ang MR, akyat tayo sa Supreme Court, doon ang med’yo mahaba-haba pa ang usapan. ‘Pag sinabi ng Supreme Court — wala, talo ka talaga, ‘di pasok tayo, gan’un lang ‘yun, wala namang exempted pagdating sa batas,” ani Hagedorn sa lokal midya.

Paliwanag nito, ang kasong Malversation of public property na isinampa sa kanya noon pang 2016 ay nag-ugat matapos umanong bigong maibalik ang mga baril na inisyu sa ilalim ng kanyang liderato bilang dating Mayor ng Puerto Princesa.

Repetek Photo

Paglilinaw ni Hagedorn, walang sangkot na pera sa kasong ito at binigyang diin na naibalik na ang mga armas at ito ay ginamit noon ng mga law enforcers; Pulis, Bantay Dagat at Bantay Gubat.

“Sa haba ng panahon ng aking panunungkulan hindi ako nagkakaso ng tungkol sa pera yun lang ang pwede kong taas- noong iharap sa inyo. Itong kaso na ito ay hindi pera kundi sa baril na kini-claim ko naisuli na natin lahat ng baril.

Ang naging poblema ko lang diyan hindi nailipat yung memorandum receipt sa mga taong humawak ng baril, siguro na-overlook ng ating General Services Office (GSO) dahil kung nilipat nila, wala akong responsibility doon,” dagdag pa nito.

Ipinabatid din ni Hagedorn sa publiko na habang gumugulong ang kaso ay patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin bilang 3rd District Representative ng Palawan.

“Para sa kaalaman ng lahat–ako pa rin ang Congressman niyo. Hindi ako nakakulong, mahaba pa itong panahon na maglilingkod ako sa inyo pero ang antayin natin ang final decision kapag natapos na yung sa Supreme Court,” aniya pa.