PUERTO PRINCESA CITY — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan Festival 2024, pormal nang binuksan ngayong araw ng Martes, ika-11 ng Hunyo, ang Palawan Hospitality Tradeshow na makikita sa Capitol Pavilion.
Nilahukan ng labing-isang (11) exhibitors ang Palawan Hospitality Tradeshow na nakatakdang magtatapos sa Hunyo 13, 2024.
Ang selebrasyon ng Baragatan Festival ngayong taon ay may temang: “Mayamang Sining at Kultura…Kakaibang Kaugalian at Tradisyon…Tagisan ng Lakas, Talino at Talento…Natatanging Produktong Palaweño”.
Sa pamamagitan ng ganitong aktibidad, nais ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ng pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates na suportahan ang iba’t ibang negosyong kabilang sa Hospitality Sector at palaguin pa ang turismo sa lalawigan.
Binigyang-diin ni Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi ang importansya ng tradeshow na ito bilang hakbang sa unti-unting pagbangon ng turismo at patuloy na pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa mga turista.
“As we witness the gradual revival of the Tourism Industry and the Hospitality Sector (after the Covid-19 pandemic), it is crucial than ever to rekindle the connection that was once temporarily unplugged,” ani Buñi.
Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng MS Events Management sa pangunguna ni Managing Director Michelle Valdez.
“As various industries are fast reviving, it is time to reconnect the connections that were once unplugged. We advocate supporting businesses in the Food & Beverage, Travel, Tourism and Hospitality sector toward the sustainability of their needs for better quality service,” ayon kay Valdez.