Photo Courtesy | PIO Palawan

PALAWAN, PHILIPPINES – DINALUHAN ng nasa dalawandaan at pitumpung (270) partisipante mula sa mga bayan ng Taytay at El Nido ang 1st at 2nd leg ng caravan na inilunsad ng Provincial Information Office (PIO) ng Pamahalaang Panlalawigan nitong Mayo 9 hanggang ika-10 ng buwan.

Ang nasabing Palawan Information Caravan na may temang “Power of Communication for Community Participation” ay pinangunahan ni Provincial Information Officer Atty. Christian Jay V. Cojamco na ginanap sa municipal gymnasium ng mga nabanggit na bayan na kung saan nilahukan naman ito ng iba’t ibang indibidwal na kinabibilangan ng mga opisyal ng barangay, Local Government Unit (LGU), mga guro, at estudyante sa highschool at kolehiyo, uniformed personnel, mga miyembro ng kooperatiba, ilang miyembro ng TODA, People’s organization at mga residente.

Ayon sa Provincial Information Office Palawan, layunin ng aktibidad na maibahagi ang mga impormasyon patungkol sa mga proyekto, programa at aktibidad na naisakatuparan sa bawat sektor at sangay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamumuno ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates pati na rin ang kanyang good governance agenda.

Sa kaganapan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga partisipante na sumagot sa mga katanungan na may kaugnayan sa paksang tinalakay at makapagtanong hinggil dito na kung saan nag-uwi sila ng premyo.

Samantala, sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na naging katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan, naisakatuparan umano ang caravan para sa naturang mga bayan.