Pinabulaanan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na bahagi diumano ng bansang Tsina ang lalawigan ng Palawan.
Ayon sa komisyon, ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay nag-ugat sa isang Chinese social media app kung saan nakasaad na “Zheng He Island” ang noo’y pangalan ng Palawan na isinunod sa pangalan ni Zheng He, isang Chinese explorer at seaferer, na naglayag sa karagatan ng Asya taong 1300s hanggang 1400s.
“The National Historical Commission of the Philippines (NHCP), the national agency mandated with promoting our country’s history and preserving our rich cultural heritage, strongly condemns and refutes the recent Chinese claims over Palawan Island as seen from a social media post circulating in Weibo and other Chinese social media platforms,” ang mariing pagkondena ng NHCP sa inaangking teritoryo ng Tsina.
Binigyang diin ng komisyon na walang naitala sa kasaysayan na mayroong presensiya ng mga Tsino simula pa noong 1521 batay na rin kay Antonio Pigafetta, isang Italian Chronicler na bahagi ng “first circumnavigation of the world” o kasapi ng mga unang manlalakbay sa mundo.
Iginiit din ng komisyon na batay sa mga makasaysayang mapa na mula pa sa mga European cartographers taong 1500s hanggang 1800s ang Palawan ay bahagi na ng Philippine archipelago maging ang 1898 Treaty of Paris ay malinaw na nagsasabi na ito ay bahagi ng republika.
Kaugnay nito, nanindigan ang NHCP na hindi ipinagbibili ang alinman sa mga teritoryo ng bansang Pilipinas at muling binigyang diin na “ Palawan is and will always be Filipino”.
“The NHCP stands by the policy of the rest of the Philippine Government that not one inch of Filipino sovereign territory is for sale, nor can any be claimed by states that purport to be our friends yet continue to undermine regional stability through the reprehensible use of questionable historical data. Palawan is and will always be Filipino,” pahayag pa ng komisyon.