Ni Vivian R. Bautista
DUMALO si Palawan Board Member Ferdinand P. Zaballa, Presidente ng Liga ng mga Barangay (LnB) at Ex-Officio Member, sa ginanap na ikalabing-isang (11th) pagpupulong ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) World Network of Island and Coastal Biosphere Reserves o WNICBR sa Queensland, sa bansang Australia, mula ika-3 hanggang ika-8 ng Setyembre 2023.
Si Zaballa ang nagsilbing kinatawan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na siya ring kasalukuyang Vice Chairman ng nasabing ahensya habang tumatayong Chairman naman ay si Palawan Incumbent Governor Victorino Dennis M. Socrates.
Batay sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo, iprinisinta ng bokal ang hinggil sa mga epekto at kasalukuyang suliranin ng turismo ng Palawan patungkol sa Palawan Biosphere Reserve bilang isa sa pinakamagandang lugar sa Pilipinas.
Kaugnay nito, ang UNESCO WNICBR 11th Network Meeting ay isang pagtitipon na naglalayong pagtibayin ang ugnayan at koordinasyon ng mga katuwang na komunidad, institusyon, at mga indibidwal sa buong mundo upang pangalagaan ang mga World Network of Biosphere Reserves (WNBR) pati na rin ang pagtatalakay sa mga napapanahong isyu ng kalikasan at kaligtasan ng biosphere reserves.
Ayon sa UNESCO, ang World Network of Biosphere Reserves ay nagtataguyod ng North-to-South at South-to-North na pakikipagtulungan at ito’y kumakatawan sa isang natatanging instrumento para sa internasyunal na kooperasyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman, pagpapalitan ng mga karanasan, pagbuo ng kapasidad at pagtataguyod ng pinakamahusay na kasanayan.
Anila, mayroong 748 biosphere reserves sa 134 na bansa sa buong mundo, kabilang na rito ang 23 transboundary site.