PUERTO PRINCESA CITY — Sa inilabas na datos ng Vector Borne Mimaropa nito lamang ika-10 ng Hulyo 2024, ang lalawigan ng Palawan ay nakapagtala na ng 1,851 kaso ng Dengue.
Batay sa kanilang Morbidity Week 27, ang munisipyo ng Narra ang mayroong malaking kontribusyon sa kaso ng dengue sa bilang na 420 kung saan 4 ang namatay.
Sinundan naman ito ng lungsod ng Puerto Princesa na nakapagtala ng 249 at 5 ang namatay, bayan ng Taytay na may bilang na 207 at 3 katao ang nasawi, Quezon- 148, Roxas-142 at 1 ang namatay, at bayan ng Bataraza na may bilang na 126.
Samantala, wala naman naitalang kaso ng Dengue sa Cagayancillo, Kalayaan, at Magsaysay.
Ang Dengue ay isang impeksyon na sanhi ng virus na dinadala ng lamok na tinatawag na Aedes aegypti. Ang virus ay naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Ang lamok na ito ay mayroong puti at itim na guhit sa katawan na kadalasang umaatake tuwing 6:00 AM hanggang 8:00 AM at 4:00 PM-m hanggang 6:00 PM.
Kaugnay nito, patuloy ang kanilang panawagan na tumalima sa 5S o ang Search and Destroy, Self-Protect, Seek Consultation, Support fogging in outbreak areas at Sustain Hydration dahil malaki ang maitutulong nito upang makaiwas sa Dengue.