PUERTO PRINCESA CITY – Ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA) – Palawan, nananatili pa rin ang lalawigan bilang may pinakamalaking bahagi o share sa ekonomiya ng rehiyon ng 4B sa taong 2022.
Kinumpirma ito ng ahensya batay sa isinagawang Dissemination Forum on Provincial Products Accounts (PPA) nitong Disyembre 5, Martes, na ginanap sa Hue Hotels and Resorts, lungsod ng Puerto Princesa.
Ang lalawigan ay nakapagtala umano ng 32.4% Gross Regional Domestic Product (GRDP) na tinatayang nasa 127.24 bilyong piso ang kabuuang halaga ng Gross Domestic Product (GDP at Constant 2018 Prices) na naibahagi ng lalawigan sa buoong ekonomiya ng rehiyon ng MIMAROPA.
Ayon pa sa ahensya, pumangalawa rito ang lalawigan ng Oriental Mindoro na may 109.4 bilyong piso na sinundan naman ng Lungsod ng Puerto Princesa na mayroong 53.8 bilyong pidong GDP.
Ang per capita GDP ng lalawigan ng Palawan ay umabot sa mahigit 132 milyong piso na mas mataas sa regional average na 121 milyong piso kung saan pumangalawa ito sa Puerto Princesa City na mayroong mahigit 180 milyong piso habang nasa ikatlong puwesto naman ang Oriental Mindoro na may P118,810,000.00.
Ang Top 3 Fastest Growing Industries sa lalawigan mula sa Services sector ay ang Accomodation and Food Services Activities na may 5.7%; Transportation and Storage na may 45.4%; at Wholesale and Retail Trade, Repair of Motor Vehicles and Motorcycles na may 11.2%.
Sa mga pangunahing industriya sa Palawan, ang Agriculture, Forestry and Fishing (AFF) ay nakakuha ng -7.6% na pagbaba sa growth rate pati na rin ang Industry sector na may -0.6% habang ang Services sector ay mayroong positibong porsiyento na 12.7%.
Sa pamamagitan ng presentasyon ni Provincial Planning and Development Coordinator Sharlene D. Vilches bilang kinatawan ni Gov. V. Dennis M. Socrates, isa umano ang bagyong Odette sa lubhang nakaapekto sa pagbaba ng growth rate sa lalawigan na kung saan ay napektuhan nito ang operasyon ng mga pangunahing industriya sa lalawigan noong taong 2022 gaya ng Agriculture, Forestry, and Fishing maging sa Mining Industry.
Aniya pa, Bagama’t ang services sector ang pinakamalubhang naapektuhan noong panahon ng pandemya, unti-unti naman itong nakakabawi at nakapagtala ng pinakamataas na growth rate sa nakalipas na taon dahil sa turismo.
Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ay patuloy umanong nagsasagawa ng mga pagpaplano at interbensiyon upang masuportahan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang sektor para sa muling pagbangon ng ekonomiya upang ganap na makamit ang kaunlaran sa lalawigan.
“Based on these findings, the provincial government should intensify interventions in support of our agricultural sector to ensure and sustain food sufficiency amidst of growing population and the expected rise in our tourist arrivals. Interventions to hazard proof and increase the resilience of the tourism sector should also be strengthened to mitigate economic collapse such as what we have observe during the pandemic to protect the provincial economy from natural hazards and unforeseen national and global crisis,” pahayag ni Vilches.
Ang nasabing aktibidad ay naging posible sa pangangasiwa ng PSA-Palawan sa pangunguna ni Chief Statistical Specialist Maria Lalaine M. Rodriguez kasama sina Statistical Specialist Evelyn O. Apellido at mga kawani ng nasabing tanggapan. Habang panauhing pandangal naman sina RSSO MIMAROPA Regional Director Leni R. Rioflorido at Regional Chief Statistical Specialist Maria Liezl Magbojos, at PSA Central Office- Industry Specialist Aaron Paolo Uy.
Ang PPA ay isang mekanismo ng pamahalaan upang maitala ang kabuuang National GDP at GRDP sa regional level. Nagkakaloob din ito ng mga pamamaraang naaayon sa economic performance sa provincial at highly urbanized city level sa bansa.