EL NIDO—Nangunguna ang lalawigan ng Palawan sa buong Rehiyon 4B pagdating sa may pinakamaraming kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD), ayon sa latest health advisory ng Palawan Provincial Health Office (PHO).
Nakapagtala ang lalawigan ng mahigit 400 kaso sa unang linggo ng buwan ng Pebrero, taong kasalukuyan.
Ayon sa ulat ng Center for Regional Epidemiology and Technology Enhancement, 660 ang kabuuang kaso sa buong rehiyon kung saan 424 dito ay naitala sa Palawan.
Dahil dito, nagpaalala ang ahensiya na kung makaramdam ng anumang sintomas gaya ng lagnat, mouth sores at skin rashes sa kamay at paa, agad na ipakunsulta sa pinakamalapit na pagamutan.
Samantala, activated na rin ang Food and Waterborne Diseases Prevention and Control Program ng tanggapan ng Provincial Health upang umantabay sa tumataas na bilang ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD).
Patuloy namang pinapaigting ng tanggapan ang pagsasagawa ng mga information drive laban sa HFMD.