Photo courtesy | Edong Magpayo/FB
Ni Marie F. Fulgarinas
Naitanghal muli ang lalawigan ng Palawan bilang Most Desirable Island in the World habang Most Desirable Country for Adventure naman ang bansang Pilipinas na parehong nakuha ang ikaapat (4th) na puwesto sa prestihiyosong 22nd Annual latest Wanderlust Reader Travel Awards.
Sa isinagawang online voting, nanguna rito ang Cuba kung saan nasungkit nito ang gold award, silver ang bansang Taiwan, at bronze naman ang bansang Trinidad & Tobago na sinusundan ng Palawan, Tasmania, Mauritius, Langkawi, Sri Lanka, Saint Helena, at Barbados.
Matatandaang taong 2022 nang manguna ang isla ng Palawan sa botohan at nasungkit ang gold award.
Samantala, nanguna naman sa kategoryang Most Desirable Country for Adventure ang bansang Jordan, sinusundan ng bansang Peru at United States of America (USA), at pang-apat ang bansang Philippines.
Nominado rin ang Pilipinas para sa kategoryang Most Desirable Country in the World, Most Desirable Country for Nature and Wildlife; Culture; Gastronomy; Sustainability; habang nominado naman ang Cebu sa kategoryang Most Desirable Region in the World.
Ang Wanderlust Travel Awards ay binubuo ng grupo ng pinakamahuhusay na manlalakbay mula sa bansang United Kingdom (UK) na dalubhasa sa travel and tourism industry.
Ang grupo ay nagsasagawa ng survey sa kanilang mga mambabasa upang tukuyin at igrado ang kanilang mga karanasan sa pagbiyahe sa mga nakalipas na taon na may kaugnayan sa iba’t ibang kategorya mula sa mga bansa hanggang sa mga tour companies at iba pang may kaugnayan sa travel and tours.
Kilala rin ito bilang isang prestihiyosong Annual Wanderlust Reader Travel Awards na nangungunang independent travel magazine sa bansang UK. Ngayong 2023, ito ay may dalawampung (20) kategorya kung saan muling nominado ang Palawan at bansang Pilipinas.