Ni Ven Marck Botin
NAGPOSITIBO sa African Swine Fever o ASF ang blood samples ng mga namatay na alagang baboy sa Barangay Cocoro sa bayan ng Magsaysay batay sa resulta ng laboratory examination ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Ayon sa ulat ng Super Radyo Palawan, kinumpirma ni Provincial Information Officer (PIO) Atty. Christian Jay V. Cojamco na nagpositibo sa ASF ang blood samples na kinuna sa mga namatay na baboy sa isla kamakailan.
Matatandaang nasa mahigit 224 ng mga alagang baboy ang naiulat na sunud-sunod na namatay sa lugar kaya’t agarang nagsagawa ng imbestigasyon ang tanggapan ng Provincial Veterinary Office ng Palawan.
Napag-alaman din sa isinagawang imbestigasyon na isang lokal na mangingisda ang nakapagpasok ng karne ng baboy mula sa Visayas Region na kasalukuyang na Red Zone status dahil sa virus.
Lumabas naman sa pagsusuri ng BAI na positibo sa ASF na dahilan sa malawakwang pagkamatay ng mga alagang baboy sa isla.
Dagdag ng Super Radyo Palawan, naglatag na rin ang lokal na pulisya ng mandatory checkpoint sa mga bayan ng Cuyo at Magsaysay para sa mahigpit na pagbabantay sa posibleng paglabas at pagpasok ng mga buhay na baboy o produktong karneng baboy mula sa isla ng Cocoro.
Anila, activated na rin ang Municipal African Swine Fever Task Force ng bawat Local Government Unit (LGU) upang maiwasang lumaganap ang ASF sa iba pang bahagi ng Palawan.