PUERTO PRINCESA — Tumanggap ang mga kwalipikadong benipisyaryo na kabilang sa 15 People’s Organization (PO) sa bayan ng Narra ng tulong pinansyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan bilang panimula sa kanilang negosyo.
Ayon sa tanggapan ng impormasyon sa kapitolyo, umabot sa 315 benipisyaryo ang binigyan ng cash assistance sa pamamagitan ng Provincial Gender and Development Office (PGADO) at Community-Based Gender and Development (CB-GAD) Livelihood Enhancement Program.
Pinangunahan naman ni Governor Victorino Dennis M. Socrates ang pamamahagi ng tulong puhunan sa bawat benepisyaryo na nasa P30,000.00 na ginanap sa Municipal Gymnansium Narra, Palawan nitong ika-15 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
Ang mga benipisyaryong kabilang sa 15 People’s Organization ay kinabibilangan ng Tribal Group Hog Raising Association, Batang-Batang 3 Association, Purok Matahimik Association, Purok Bagong Sigla Association, Paunlarin Livelihood Association, Hog Raising Model 2000, Piggy Save Association, Pag-asa Saver’s Association, Magsasaka Piggery Association, Purok Tabing Dagat Association at Kabangkalan Babuyan Association, base sa impormasyon mula sa LGU-Narra.
Ang ipinagkaloob na panimulang capital ay tulong para sa kanilang napiling negosyo gaya ng livestock, poultry farm at paggawa ng asin na kung saan maghahatid naman ng mahalagang kontribusyon sa pagpapa-unlad ng ekonomiya sa bayan ng Narra.
Samantala, hangad ng nasabing programa na mapaunlad ang kakayahan ng mga benipisyaryo sa pagnenegosyo at matulungang magkaroon ng karagdagang kita gayundin ang makapagbigay ng ginhawa sa kanilang pamumuhay.