REPETEK NEWS | PATULOY na pinaiigting ng mga kinauukulan ang pagbabantay sa mga pantalan at paliparan sa lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa bilang pag-iingat sa banta ng African Swine Fever o ASF.
Ang ASF ay karamdamang nakukuha ng mga baboy. Maaaring mahawaan ang mga malulusog na baboy kapag nailapit o naidikit ang mga ito sa iba pang mga baboy na nanggaling sa mga lugar na apektado ng ASF. Wala naman itong panganib sa tao.
Kabilang sa mga sintomas ng impeksyon ay ang pagkawala ng gana sa pagkain, pamumula ng balat, pagsusuka at pagdudumi ng mga alagang baboy.
Sa isinagawang press conference nitong araw ng Martes, tinuran ni Dra. Indira Santiago, pinuno ng City Veterinary Office, ang Palawan at Puerto Princesa ay nananatiling nasa green zone o wala pang naitatalang kaso ng ASF ngayong taon.
“Para sa kaalaman ng lahat, Batanes na lang at Palawan ang green zone sa ngayon. Siyempre, kasabay na rin ng panalangin na sana hindi makapasok sa Palawan o sa Puerto Princesa ‘yung African Swine Fever,” ani Santiago sa mga lokal na midya.
Aniya, isa sa mga ginagawang pagbabantay sa ASF ay ang Recognition for Active Surveillance o RAS.
Ito ay isinasagawa kada tatlong buwan kung saan kumukuha ng dugo sa buhay na baboy para suriin kung ito ay may sakit.
“Ang City Vet ay nagko-conduct, lagi tayong nag-aaplay sa Recognition for Active Surveillance (RAS) para sa ASF. Every three months ay nagkaconduct ng RAS.
Kukuha tayo ng mga dugo sa mga buhay na baboy sa ating mga raisers kasi kapag wala tayong RAS hindi rin tayo makakalabas ng baboy natin sa ibang lugar, sayang ‘yung effort,” pahayag pa ng opisyal.
Maliban dito, mahigpit din ang pagbabantay ng mga meat inspector sa cold storage para matiyak na ang mga karne ay certified o dumaan sa tama at malinis na proseso.
Sa kasalukuyan, hindi rin tumatanggap o nagpapapasok ng mga baboy o alinmang produkto na manggagaling sa labas ng Palawan.
Binigyang-diin ni Santiago, ang mga pagsisikap na ito ay pinagtutulungan ng iba’t ibang opisina para mapanatili ang pagiging ligtas sa ASF.
“Sinasabi ko nga na pag-effort-an natin ‘yan kasi atleast nakakaupo pa tayo pero kapag ka makita natin ang ibang lugar na pinasok ng ASF talagang very devastating.
So ‘yun po, sinasabi ko rin na hindi lang office namin kahit mga inter-agency, mga national [offices] ay tumutulong para maproteksyunan na hindi tayo mapasok ng ASF sa Palawan at Puerto Princesa,” ayon pa sa hepe ng City Vet.