TUMUNGONG Maynila mula sa bayan ng Coron ang 52 indibidwal na pawang mga Outh-of-School Youth (OSY) para magsanay sa Dualtech Training Center nitong ika-3 ng buwan ng Oktubre.
Kasalukuyang sumasailalim sa nasabing pagsasanay ang 23 kabataan mula sa bayan ng Coron, 20 mula sa bayan ng Culion, at 9 mula naman sa bayan ng Busuanga na mapalad na napili na bilang mga Technical-Vocational scholars ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, ayon sa tanggapan ng impormasyon ng Kapitolyo.
Batay naman kay SPS Alay sa Kabataan Program Manager Ma. Victoria Baaco, tutulungan ang mga ito sa kanilang mga bayarin sa pagsasanay na aabot ng hanggang kabuuang P100,000.00.
Sasagutin ng Pamahalaang Panlalawigan ang kanilang tuition o training fee, accommodation at libreng pagkain sa loob ng anim na buwan gayundin ang naging pamasahe ng mga ito sa barko.
Ang mga nabanggit na iskolar ay inendorso para magsanay sa nasabing training center sa Calamba City, Laguna. Sila ang ika-11th batch ng Technical-Vocational scholars ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng SPS Alay sa Kabataan-Programang Pang-Edukasyon para sa Palawenyo.
Pangunahing layunin ng programa matulungan ang mga kabataang OSY na makapag-aral at magkaroon ng maayos na hanapbuhay.
Pagkakalooban naman sila ng kaukulang allowances matapos ang anim na buwang pag-aaral para sumailalim naman sa on-the-job training sa mga kumpanyang partner ng Dualtech Training Center.
Nagagalak ang Pamahalaang Panlalawigan na ang mga nabanggit na mga iskolar ay karagdagan sa kanilang 390 na mga iskolar na sumasailalim sa kursong Electromechanics Technology sa loob ng dalawang taon nabanggit na training center.
Samantala, ang 52 indibidwal ay pawang nag-eedad ng 18 hanggang 30 taong gulang na kung saan karamihan naman sa mga ito ay nagsumite ng kanilang aplikasyon para maging iskolar sa isinagawang SPS Caravan na ginanap sa bayan ng Coron at Busuanga nitong buwan ng Agosto, taong kasalukuyan.