(Kuhang larawan / Website / Professional Regulations Commission)

PUERTO PRINCESA CITY — TOP 1 ang Magna Cum Laude graduate ng Palawan State University (PalSU) Puerto Princesa na si Engr. Godfrey Queron Correa na kauna-unahang produkto ng pamantasan na nakakuha ng pinakamataas na puwesto sa katatapos lang na November 2023 Civil Engineers Licensure Examination o CELE.

Mula sa 6,180 na matagumpay na nakapasa sa pagsusulit, nakuha ni Engr. Correa ang pinakaunang puwesto na may 93.60 general rating na sinusundan ni Engr. Angelo Amoc Ramos ng Technological University of the Philippines – Taguig na mayroong 91.95 general rating.

“Ganito ka powerful si Lord! Dati top 10 lang pinapangarap ko pero sobra-sobra [‘yong] binigay mo sa akin Lord, thank you Lord. Kahit na puyat madalas at ilang beses kami nagkasakit dito sa Manila, hindi [mo] kami pinabayaan,” paunang saad ni Correa.

Sa Facebook post, inihayag ni Correa ang kaniyang pasasalamat sa Poong Maykapal, sa kaniyang pamilya, at sa mga taong nasa likod ng kaniyang journey na maging matagumpay at makuha ang pinakamataas na puwesto sa pagsusulit.

“[M]araming salamat sa buong pamilya ko, [PaPA] Felipe Correa, [Mama] Genevieve Queron Correa, [Engineer na ‘yong] panganay niyo. Salamat din kay Azel sa suporta pati na rin sa bunso kong kapatid sa pag-alaga mo kay slick. Sa mga tita, tito, pati pinsan ko na walang sawa sa pagsuporta at pagmamahal, salamat. Kay Nanay at Kuya Popet, salamat, na noong maliit palang ako sobra [‘yong] tiwala niyo sa akin.

[S]alamat sa mga guro na gumabay sa akin simula Sta. Monica Elementary School, sa paghubog sa akin lalo na sa [Mathematics]. Sa mga naging guro ko sa Palawan National School at PSU-LSHS, especially sa Math Department. Sa mga naging instructor ko sa Palawan State University, lalo na [kina] Ma’am Cañete Minerva, sa thesis adviser namin na si Sir Victor Austria and readers na [sina] Sir Jobel Hyles Cabahug, Sir Patrick Jay L. Nangkil, and Sir Clark Jason Amores. Salamat dahil isa kayo sa naging parte ng pagkamit ko nito,” taus-pusong pasasalamat ni Correa.

Pinasalamatan din ni Correa ang kaniyang mga kaibigan, dating kaklase, mga guro, instructors, at mga sumuporta sa kaniya upang makamit ang tagumpay.

“Maraming salamat sa lahat ng naniwala at sumuporta sa akin,” pahabol pahayag nito.

Sa anunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC) nitong November 25, nangunguna ang PalSU Alumnus mula sa libu-libong examinees sa buong bansa; top 3 ang University of the Philippines – Diliman graduate na si Engr. Jonas Rhein Pruelo Esguerra na mayroong 91.90 gen. rating na sinusundan ni Engr. Jesher Fortunado Rotagenes ng Mapua Malayan Colleges Laguna; tie naman sa Top 5 sina Engr. Maria Erica Pacatang Gomez at Engr. Analiza Ayade Mabini ng UP Diliman at University of San Jose – Recoletos; top 6 si Engr. Ayrton Dave Sarmiento Bautista ng UP Diliman; top 7 si Engr. Kant Amoroto Dumasvng Eastern Visayas State University – Tacloban; top 8 si Engr. Reiner Vince Mallari Chavez ng UP Diliman na sinusundan nina Engr. Mark Joseph Espura Arcayera ng Lyceum of the Philippines – Cavite at Engr. Loyd Lura Heruela ng FEU Institute of Technology.

Si Correa ay nagtapos ng elementarya sa Mababang Paaralan ng Sta. Monica, nahubog sa Junior High School ng Palawan National School (PNS), at nagtapos ng Senior High School sa Palawan State University – Laboratory Senior High School (PalSU-LSHS).

Si Correa ay scholar ng Department of Science and Technology – Science Education Institute (DOST-SEI) sa Palawan State University na nagtapos bilang Magna Cum Laude.

Authors