Idinulog sa plenaryo ni Palawan 3rd District Board Member Rafael “Jun” V. Ortega ang usapin hinggil sa pagkaantala ng pamamahagi ng ₱50 milyong pondo na ibinigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong huling pagbisita ng presidente sa lungsod upang ibigay sa mga fisherfolk at farmers ang tulong mula sa pamahalaang nasyunal.

“Naisip ko po na dalhin sa plenaryo ang tungkol po sa natanggap ng provincial government ng Palawan na ₱50 milyon na inihandog ni Pangulong Marcos noon pong magkita-kita tayong lahat — mga lider sa Palawan at mga farmers and fisherfolk sa city coliseum at iniabot po sa ating mahal na gobernador ‘yun pong malaki na cheque na nagkakahalaga ng ₱50M. Ang tanong po sa akin ng mga kababayan natin sa bayan ng Aborlan na [nariyan] na ang pera sa provincial government, bakit hindi pa naibabahagi sa kanila?” pahayag ni Ortega.

Saad pa ng bokal, noong naibigay ang nasabing pondo sa pamahalaang panlalawigan, nakatanggap ang sangguniang panlalawigan ng request mula sa tanggapan ng Provincial Governor na i-recognize ang gobernador para sa pagbabahagi ng nasabing cash assistance sa mga magsasaka’t mangingisda.

Hindi agarang natugunan ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan sa kadahilanang ninais ni Agriculture Committee Chairman Board Member Ariston “Aries” D. Arzaga na ayusin at suriin muna ang mga dokumento upang matiyak ang mga karapat-dapat na makinabang sa nasabing cash assistance.

Ayon kay Arzaga, matatandaan na noong Hulyo 18, taong kasalukuyan, ay bumisita ang Pangulong Marcos Jr. sa lungsod at ibinigay ang nasabing cash assistance.

“September 13, tumawag sa akin ang opisina ni Senator Imee Marcos dahil nakarating sa Malacañang na hindi pa natatanggap ng mga fisherfolk at farmers ang nasabing tulong pinansiyal. Nagpaliwanag po tayo na mayroon lamang gustong linawin ang Sangguniang Panlalawigan.

Dahil ang naibigay na report ng Municipal Agriculture office (MAO) sa office of Agriculture at Department of Agriculture ay ang tinatawag nating Disaster Risk Reduction Management Information System o DRRMIS ngunit hindi naisama sa report ang mga benepisyaryong mabibiyan ng ₱10.000.00 kaya itinama namin ito,” ani Arzaga

Ayon pa sa bokal, hindi sila ang cause ng delay dahil nais lamang nilang linawin na dapat ang affected farmers at fisherfolk lamang ang dapat mabigyan. Kaya nitong buwan ng Setyembre, nagpatawag sila ng committee meeting para linawin ang isyu kasama ang mga kinatawan ng Municipal Agriculture office, Provincial Agriculturist Doc. Romeo Cabuncal, Accounting Office, focal person ng DRRM, Engr. Maria Teresa Gariedo ng DA Mimaropa. Sinabi ni Arzaga sa meeting na sisiguraduhin muna nila na kasama sa isusumiteng DRRMIS ang listahan ng mga fisherfolk at farmers na affected ng El Niño Phenomenon.

Nais naman nina Ortega at Arzaga na ipatawag si Doc. Romeo at Accounting office sa Sangguniang Panlalawigan sa mga susunod na session o committee hearing, o kaya’y idulog sa Committee of Agriculture and Fisheries ang nasabing usapin. via Lars Rodriguez