PHOTO | RAPPLER

Ni Clea Faye G. Cahayag

SIMULA ngayong araw, ika- 5 ng Setyembre 2023, epektibo na ang mandated price ceiling na P41.00 para sa regular milled at P45.00 naman sa well milled rice sa ilalim ng Executive Order 39.

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang publiko na isumbong sa kinauukulan ang sinuman na mapapatunayang lalabag sa itinakdang nabanggit na presyo ng bigas.

“I would encourage anyone who finds that someone or retailer is selling at above the price ceiling, i-report po ninyo, i-report po ninyo sa police, sa Department of Agriculture doon sa lugar niyo, i-report ninyo sa local government para matignan po namin at tiyakin na hindi lalagpas doon sa ating presyo na nilagay na 41-45 pesos,” pahayag ng pangulo sa pagbisita nito sa lungsod ng Puerto Princesa nitong ika-1 ng Setyembre, alinsabay sa deklarasyon ng lungsod at lalawigan ng Palawan bilang insurgency free.

Ayon pa sa pangulo, magtutulung-tulong ang mga ahensya tulad ng Department of Interior and Local (DILG), Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Justice (DOJ) sa pag-iinspeksyon at pagmo-monitor ng presyo ng bigas.

“We have put together structure for the continuing monitoring this will include the DILG, DA, DTI, DOJ as well. More or less those are the agencies that already have the regular inspections when it comes to other issues, they will now apply the price ceiling that I have ordered in the executive order that I signed yesterday so that to make sure the prices stay within the limits that we have prescribed,” saad nito.

Batay naman sa Republic Act No. 7581 o Price Act, Section 15 & 16, ang mga lalabag sa EO 39 at mapapatunayang sangkot sa iligal na pagmamanipula ng presyo ng anumang basic o prime commodity tulad ng bigas ay maaaring makulong sa loob ng hindi bababa sa limang (5) taon at hindi rin hihigit sa labinlimang (15) taon.

Ito ay pagbabayarin din ng multang hindi bababa sa limanlibong piso (P5,000.00) o hindi hihigit sa dalawang milyong piso (P2,000,000.00).

Samantala, ang lalabag naman sa mga probisyon ng naturang batas para sa mandated price ceiling ay maaaring makulong ng hindi bababa sa isang (1) taon at hindi rin hihigit sa sampung (10) taon.

Dagdag pa rito, ang pagbabayad ng multang hindi bababa sa limanlibong piso (P5,000.00) o hindi hihigit ng isang milyong piso (P1,000,000.00).