Ni Vivian R. Bautista
DAHIL sa kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa at patuloy na pagtaas ng presyo nito, libu-libong pamilyang Pilipino ang umaaray kaya ipinag-uutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bureau of Customs (BOC) na ipagpatuloy ang pagsalakay sa mga bodega para sugpuin ang mga hoarders at iligal na importers ng bigas sa bansa.
Sa press briefing sa Malacanang nitong Martes ika-29 ng Agosto, sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na dinodoble ng ahensya ang kanilang pagsisikap na tugisin ang mga iligal na nag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura sa pamamagitan ng pag-validate sa lahat ng mga bodega, partikular sa mga inangkat na bigas.
“[A]ng gagawin natin ay i-validate natin ang lahat ng warehouse na nag-iimbak ng mga imported na bigas at pagkatapos ng validation ay maglalabas tayo ng letters of authority para magsagawa ng inspeksyon sa warehouses na ito,” ani Rubio.
“In a recent service of a letter of authority, we served three letters of authority against three warehouses reportedly utilized in storing imported rice located at the Intercity Industrial Complex San Juan Balagtas Bulacan,” dagdag ni Rubio.
Nagbigay rin ang komisyoner ng mga update ukol sa mga pagsisikap ng ahensya, kung saan inulit niya ang kamakailang sorpresang inspeksyon sa mga bodega ng bigas sa Bulacan.
Ang tatlong (3) bodega na isinailalim sa inspeksyon ay ang Great Harvest Rice Mill Warehouse, na matatagpuan sa Intercity Industrial Complex; San Pedro Warehouse Intercity Industrial Complex; at ang FS Rice Mill Warehouse.
Ang mga saku-sakong bigas ayon sa pagkakasunod ay natagpuan sa nasabing mga bodega na napag-alamang inangkat mula sa mga bansang Vietnam, Cambodia, at Thailand na may inisyal na tinatayang kabuuang halaga na 505 milyong piso, ayon sa komisyoner.
Pinagbawalan din ang mga operator at may-ari ng mga bodega na kunin ang mga paninda maliban na lamang kung sila’y makapagpakita ng mga kinakailangang dokumento sa kanilang pag-aangkat ng bigas.
Binigyan din ang mga ito ng hanggang Setyembre 8 na patunayan na binayaran nila ang mga kinakailangang tungkulin para sa mga kalakal.
“The subject warehouses were sealed temporarily to secure the imported sacks of rice found therein, pending the completion of the inventory by the assigned examiners which will continue on today August 29,” pahayag nito.
“The owner and operators of the warehouses were directed to submit proof of payment duties and taxes due the subject imported sacks of rice within 15 days from the implementation of the LOA or until September 8, 2023,” dagdag nito.
Binanggit din ni Rubio ang patuloy na pakikipagtulungan ng BOC sa Department of Justice (DOJ) sa pagsasampa ng kaso laban sa mga smuggler na nahuli.
Tiniyak din niya na sasampahan ng kaso ang mga salarin kung mapapatunayang may kasalanan ang mga may-ari at operators ng nasabing mga bodega.