TINIGUIBAN, Puerto Princesa City — Personal na iniabot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kina Gobernador Dennis Socrates at Punong Lungsod Lucilo R. Bayron ang magkahiwalay na tseke na nagkakahalaga ng 50-milyong piso at 10 milyong piso bilang tulong pinansiyal sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at palaisdaan sa lalawigan at lungsod na lubhang naapektuhan ng nagdaang El Niño Phenomenon.
“Mula po mismo sa tanggapan ng Pangulo, magbibigay po tayo ng tag-P10,000 sa ilang mga magsasaka, mangingisda, at kanilang mga pamilya na higit na nangangailangan. Tayo ay magbibigay ng halos P100-milyon para sa mga benepisyaryo ng lalawigan ng Palawan, Marinduque, at Lungsod ng Puerto Princesa,” pahayag ng pangulo.
Batay sa pinakahuling datos ng Kagawaran ng Agrikultura, aabot sa higit tatlong bilyong piso ang nasira sa mga pananim, produkto, at kabuhayan sa buong rehiyon ng Mimaropa dulot ng pananalasa ng matinding tagtuyot nitong nakalipas na buwan.
“Hindi lingid sa amin na matindi ang naging epekto ng nagdaang El Niño sa inyong mga sakahan at palaisdaan. Kaya’t marapat lamang na paulanan naman namin kayo ng tulong upang makaahon kayo sa pagsubok na [pinagdaanan] ninyo,” dagdag ng pangulo.