PHOTO || PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE

Ni Vivian R. Bautista

SA ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nitong ika-24 ng Hulyo 2023, idineklara niya ang kanyang pangako na patuloy niyang itataguyod ang mga karapatan ng Pilipino pagdating sa soberanya ng Pilipinas kasama na rito ang pagpapanatili ng integridad ng teritoryo ng bansa.

Sa kanyang SONA, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga mamamayang Pilipino at tiniyak ng pangulo na hindi mawawala sa pamahalaan ang alinmang teritoryong pag-aari nito o ng bansa.

“Our journey to progress requires not only unity and social cohesion amongst our people. It is also imperative that our nation remains intact and inviolable, our sovereignty preserved,” ani Pang. Marcos.

“We will protect our sovereign rights and preserve our territorial integrity, in defense of rules-based international order,” dagdag pa ng punong ehekutibo, na tumutukoy sa isang internasyonal na pasya ukol sa West Philippine Sea.

Ayon sa kaniya, ang gobyerno ng Pilipinas ay patuloy sa pakikipag-usap at patuloy na ginagawa ang diplomatikong pamamaraan sa pagresolba sa anumang isyu na maaring lumabas na may kaugnayan dito.

Samantala, binigyang-diin din ng Pangulo na kanyang bibigyang importansya ang interes ng Pilipinas at ng mamamayang Pilipino pagdating sa government’s foreign policy, batay sa inilabas na impormasyon ng Presidential Communications Office.

Matatandang, sinabi noon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pabor ito sa Pilipinas, ito ay matapos magsampa ng kaso ang bansa laban sa China sa West Philippine Sea (dating South China Sea). Ayon sa PCA wala umanong legal na batayan ang China na i-claim ang ilang isla na pag-aari ng Pilipinas ngunit hindi kinikilala ng nasabing bansa ang desisyon ng PCA bagkus patuloy pa ring nagkakaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa sa mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea (WPS).