PALAWAN, PHILIPPINES – Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsali ng gobyerno ng bansang France sa military exercise sa West Philippine Sea (WPS) na layon ay palakasin ang puwersang militar ng mga kaalyadong bansa.
Sa isang panayam kay Pang. Marcos noong namahagi ang pangulo ng tulong sa Lungsod ng General Santos, inihayag nitong nagpapasalamat siya sa pandaigdigang suporta sa bansang Pilipinas sa gitna ng tensyon sa mga pinagtatalunang karagatan.
“Kami’y nagpapasalamat sa lahat ng mga iba’t ibang bansa kahit na nanggagaling sa malayo pa ngunit sila ay handang tumulong sa atin.
At kapag tayo’y nagkaproblema, very supportive sila hindi lamang sa salita kung hindi pati na rin sa mga tinatawag na joint cruises.
Kaya’t lahat ng tumutulong sa atin, lahat ng tumutulong sa Pilipinas, kami’y nagpapasalamat at ito ay magiging malaking bagay, malaking tulong para mapayapa at maging stable ang West Philippine Sea,” pahayag ng Pangulo.
Ang pagsama ng bansang France sa nasabing ehersiyo ay nagpapahiwatig ng lumalaking suporta mula sa internasyunal na komunidad upang itaguyod ang mga karapatan ng Pilipinas sa WPS, ayon pa kay Marcos Jr.
Aniya, mahalaga ang suporta mula sa internasyunal na komunidad upang magarantiya ang kalayaan sa paglalayag sa WPS at hindi maaapektuhan ang pandaigdigang ekonomiya.
Matatandaang, nitong Abril 25, sinimulan ang ika-39 na pag-ulit ng Balikatan Exercise ’24 na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kung saan ay nilahukan ito ng labing-apat (14) na mga kaalyadong bansa.